Carlos Yulo humingi ng pasensiya sa ama: Kita-kits soon Pa!
HUMINGI ng paumanhin ang 2-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo sa kanyang tatay pagkatapos ng naganap na Grand Heroes’ Parade kahapon, August 14.
Trending ang pagpunta at pagsaksi ng ama ni Carlos na si Mark Andrew Yulo sa parada ng mga atletang Pinoy na nakipagbakbakan sa katatapos lamang na 2024 Paris Olympics.
Talagang naghintay at nakisiksik kasi si Ginoong Mark sa mga kababayan nating sumalubong kay Carlos at iba pang Pinoy Olympian na nag-uwi ng karangalan sa Pilipinas.
Baka Bet Mo: Carlos Yulo dedma sa ina, nag-message sa ama: Mahal na mahal kita
Balitang nakita naman ng binata ang kanyang tatay sa crowd at agad niya itong sinaluduhan. Palakpakan at sigawan naman daw ang mga naroon sa madamdaming eksenang kanilang nasaksihan.
Sa kanyang Facebook account, ni-repost ni Carlos ang isang ibinahaging litrato ng event host at content creator na si Jack Logan na kuha sa naganap na parada.
Ang nakalagay sa caption ni Jack Logan, “CALOY DITO PAPA MO! Grabe nakakaiyak! Praying for this family. Sana next makita naman namin kayo na mag group hug.”
Ang isinulat namang caption ni Carlos sa ni-repost na FB photo, “Maraming salamat Pa, masaya ako nakita kita don nakasuporta!
“Pasensya na Pa hindi ako masyado nakakaway, ang daming nag pa authograph hehe.
“Kitakits soon Pa Mark Andrew Yulo (praying hands emoji),” ang buong caption ng Olympic gold medalist.
Para naman daw kinukurot sa puso ang pakiramdam ng ilan nating kababayan sa naging eksena kanina ng tatay ni Carlos habang ginaganap ang Grand Heroes’ Parade ng mga Pinoy na lumaban sa 2024 Paris Olympics.
Naantig ang damdamin ng mga nakapanood sa naturang parada sa kahabaan ng Maynila nang makita ang ama ni Carlos sa grupo ng mga taong sumalubong sa ating mga ipinagmamalaking manlalaro.
Baka Bet Mo: Angelica Yulo kay Carlos: Humihingi ako ng patawad anak…nanay lang ako
Napanood namin ang video kung saan proud na proud nga si Mark habang pinapanood ang pagdaan ng float na sinasakyan ng kanyang anak at iba pang mga atleta.
Habang dumarating ang float na ating mga Olympian ay todo na ang ngiti ni Ginoong Mark at kitang-kita sa kanyang mukha ang labis na kasiyahan kahit pa nga hindi sila nakasama sa pag-welcome ni Pangulong Bongbong Marcos sa binata kagabi sa Malacañang.
Makikita sa likod ni Mark ang isang banner na may nakasulat na “CALOY, DITO PAPA MO!” na mas lalo pang nakaantig sa puso ng mga nakasaksi sa parada.
View this post on Instagram
Hawak ito ng kanyang mga kasamahan sa likuran para mas maipakita pa raw nila kay Carlos na naroon ang ama.
Tuwang-tuwa naman si Mark nang masilayan ang anak sa float na itinaas pa ang mga kamay habang buhat ng isa niyang kasama.
Base naman sa mga nabasa naming comments mula sa ilang netizens, nakakalungkot lang makita na hindi kasama ni Carlos sa parada ang kanyang pamilya.
Idagdag pa ang isyu na hindi ang mga magulang ni Carlos ang isinama niya sa welcome reception na inihanda nina President Bongbong Marcos at First Lady Liza Marcos para sa Team Philippines kundi ang kanyang girlfriend na si Chloe San Jose.
Bukod pa rito, ikinadismaya rin ng publiko ang pahayag ng lolo ni Carlos na si Rodrigo Frisco na hindi sila pinayagang sumalubong sa pagdating kagabi ng kanyang apo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.