Hiling ng ama ni Carlos Yulo: Sana pagbalik mo, usap tayo ng mama mo
MAGKAKAAYOS din ang 2-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo at ang kanyang kontrobersyal na inang si Angelica Yulo – sa tamang panahon.
Yan ang paniniwala ng tatay ni Carlos na si Mark Andrew Yulo na patuloy na ipinagdiriwang ang tagumpay na nakamit ng anak sa ginaganap na 2024 Paris Olympics.
Ayon kay Mark, magiging maayos din ang kanilang pamilya kapag nakauwi na sa Pilipinas ang kanyang anak bitbit ang dalawang gintong medalyang napanalunan sa men’s gymnastics floor exercise at sa men’s vault finals.
Baka Bet Mo: Carlos Yulo dedma sa ina, nag-message sa ama: Mahal na mahal kita
View this post on Instagram
Mainit pa ring pinag-uusapan ngayon ang umano’y alitan ng mag-inang Carlos at Angelica na may konek daw sa isyu ng pera. Bina-bash ngayon ang nanay ni Carlos dahil sa pangnenega umano nito sa anak.
Para kay Mark Andrew, tampuhang mag-ina lamang ang namamagitan kina Angelica at Carlos kaya nakikiusap siya sa publiko at sa mga netizens na huwag na itong palakihin.
“In God’s will. Pag-uwi po ni Caloy, aayusin po namin yan. Matagal na po yon, inaano (pinalalaki) lang ng mga basher. Matagal na po yon,” paliwanag ng tatay ni Carlos sa “One Balita Pilipinas” kahapon, August 5.
Patuloy pa niya, “Pero okay lang po yan, sanay na po kaming ma-bash. Noong unang talo pa lang ni Caloy (sa Tokyo Olympics), bash na bash na kami, e.”
Positibo pang sabi ni Mark patungkol sa kanilang pamilya, “Mabubuo naman po yan. Konting ano lang (pag-uusap) lang po yan. Hindi naman po masyadong malaking problema yun.
“Sanay naman po kami sa problema, wala namang perpektong pamilya. Kailangan lang po natin lumaban tapos maraming dasal,” pahayag pa ni Mark.
Dugtong pa niya, “Pini-please ko rin, kinakausap ko rin siya (Angelica) na mag-usap-usap tayo, para masaya na, wala na yun problema.
“Pero mag-uusap naman po yan, konting ano lang yan ng magulang. Alam niyo naman ang magulang, lalo na ang nanay, siyempre ipagtatanggol niya yan para mapaganda lang yung anak mo.
“Kaya ako, nasa gitna lang po talaga ako. Susuporta lang ako sa kanila. Saglit lang po yan, wala naman po yan, tampuhan lang nilang dalawa.
“Ayaw lang ng nanay niya na mapasama siya, balang araw mawalan ka, kailangan niyang ingatan kung ano yung mayroon siya ngayon. Kasi galing kami sa wala, e. Siguro gusto lang ng nanay niya na baka mawalan ka ng pera, ganu’n,” pagbabahagi pa ni Mark.
Naniniwala rin siya na sa gitna ng isyung ito ay proud na proud pa rin si Angelica sa tagumay ng kanilang anak, “Kahit hindi niya sabihin, alam kong natutuwa naman yan, ayaw lang niya ipakita kasi may konti silang tampuhan.”
Ito naman ang mensahe ng tatay ni Carlos sa mga bashers at sa mga nagpapakalat ng fake news tungkol sa kanilang pamilya, “God bless you po sa lahat ng bashers ng family namin.
“Sa ginawa niyong yan, nakadalawang gold yung anak ko. Maraming salamat po,” sabi pa ni Mark.
Samantala, napaluha naman ang tatay ni Carlos nang magbigay siya ng mensahe sa tagumpay na natamo ng anak sa Paris Olympics.
“Masaya po, sobrang saya at sobrang blessed po talaga. Hindi ko po akalain na ganyan yung anak ko. Sobrang saya po, wala po akong masabi, salamat po sa mga nagdasal sa anak ko, sa sumuporta po. God bless you all po.
“Sa mga nagdasal po sa laban ni Caloy at sa buong atletang Pilipino, pagdasal po natin yun mga lumalaban ngayon. Talagang thankful po ako na maraming nagdarasal, salamat po sa lahat,” aniya pa.
Dugtong pa niya, “Congrats, ‘Nak. Ang ganda ng performance mo. God bless you. Sana pagbalik mo, mag-usap tayo ng mama mo at saka ng mga kapatid mo.
“Pag-usapan natin yung magagandang bagay para masaya lang,” sabi ng tatay ni Carlos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.