Anne Curtis ‘binasbasan’ kandidatura ni Bam nang magkita sa NAIA

Anne Curtis at Bam Aquino
PERSONAL na ipinaabot ni Anne Curtis ang pagsuporta kay dating senador at independent senatorial candidate Bam Aquino nang magkita sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2.
Matapos ngang ibandera ng TV host-actress sa X (dating Twitter) ang kanyang support kay Bam, nagkaroon din siya ng chance na makaharap at makausap ang former senator.
Sa kanilang di-inaasahang pagkikita, muling pinagtibay ni Anne ang kanyang suporta sa kandidatura ni Bam at sa kanyang mga adhikain, partikular na ang Free College Law.
Nagpakuha pa siya ng larawan kasama ang tumatakbong senador habang naka-No. 5 sign, bilang pagpapatibay ng kanyang pag-endorso.
Ibinahagi rin ni Curtis ang naturang larawan sa kanyang Instagram bilang parte ng kanyang “So MARCH fun” carousel album, na may caption na, “Bumped into someone I’m voting for!”
Ito ang ikatlong pagkakataon na lantarang ipinahayag ng aktres ang pagsuporta kay Bam.
Una niya itong ginawa nang sumagot siya ng “Yes!!” sa tweet ng stand-up comedian na si Alex Calleja na humihimok sa mga botante na isama si Aquino sa kanilang listahan ng mga iboboto sa darating na halalan.
Pinagtibay pa ng aktres ang kanyang suporta nang i-retweet niya ang post ni Bam sa X tungkol sa kanyang hangaring mapaunlad ang buhay at mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga pamilyang Pilipino.
Sa isang Facebook post, pinasalamatan ng kandidato si Anne sa kanyang patuloy na pagsuporta, “Masaya akong nakasalubong at nakakwentuhan ka nang saglit sa airport habang papunta sa kanya-kanyang mga flight natin! Your support means a lot to us at sa ipinaglalaban natin sa ating kampanya.”
“Ipapanalo natin ang laban na ito para sa madlang pipol at sa bawat pamilyang Pilipino! Libreng Kolehiyo, Siguradong Trabaho! God bless you, Anne!” dagdag pa niya.
Bukod kay Anne, ilan pang kilalang personalidad ang nagpahayag ng suporta kay Bam, kabilang sina Edu Manzano, Dingdong Dantes, rapper-actor-vlogger Pio Balbuena, Bea Binene, Janine Gutierrez at Ogie Diaz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.