Sanggol, ina patay matapos manganak sa bangketa sa Cebu City
PATAY ang isang 35-year-old na babae matapos magkakomplikasyon sa panganganak sa bangketa sa Cebu City.
Kahit ang isinilang niyang sanggol ay hindi nailigtas at binawian din ng buhay.
Nangyari ito sa kahabaan ng General Maxilom Avenue noong Miyerkules ng umaga, August 14.
Ang ina ay kinilalang si Mary Ann Tangpos, isang street dweller.
Ayon sa mga ulat, si Mary Ann ay nakatira mismo sa nasabing kalye kasama ang kanyang live-in partner na si Sherwen Sumagang at pitong anak.
Baka Bet Mo: Nadine wala pa ring balak magkaroon ng sariling anak: ‘Takot talaga akong mabuntis at manganak’
Kwento ni Sherwen, nagsimulang makaramdam ng “contraction” ang kanyang partner dakong alas-11 ng gabi noong Martes, August 13.
Sinubukan niya, aniya, itong dalhin sa ospital pero hindi pumayag si Mary Ann dahil wala silang pambayad.
Pagkatapos nito ay umalis na muna si Sherwen upang maghanap siguro ng tulong.
Bandang 7:00 a.m., si Mary Ann ay nanganganak na sa bangketa at ito ay nakita mismo ng kanyang kaibigan na si Marie Seno.
Na-witness rin ito ng traffic enforcer na si Sheila Nicolasora at agad na rumesponde ng tulong.
Sinabi ng traffic enforcer na namumutla na ang buntis at nagdudugo nang husto.
Buti nalang daw ay may dumaan na nurse sa kanilang gawi at sila ay tinulungan nito na maisilang ang sanggol pero sa kasamaang palad, ang baby ay hindi na humihinga nang inilabas sa sinapupunan.
Ilang saglit lamang ay may dumating na ambulansya at si Mary Ann ay isinugod na sa Vicente Sotto Memorial Medical Center, habang ang sanggol ay iniwan sa isang box sa kalsada.
Doon sa ospital ay libreng tinanggal ng doktor ang placenta at umbilical nito, ngunit matapos nito ay tila nagwala ito at tumangging magpa-confine kaya siya ay pinapirma ng waiver kaya agad na na-discharge.
Hinatid naman ito ng ambulansya pabalik sa naturang bangketa sa kabila ng patuloy na pagdurugo nito at makalipas ang ilang minuto ay pumanaw na rin siya.
May paramedic team ang nagpunta sa area nila ni Mary Ann, pero hindi na nila naabutan itong buhay.
Ayon sa kanila, posibleng dahil sa excessive blood loss ang ikinamatay ni Mary Ann.
Ang live-in partner at mga anak nila ay late na ring naabutan si Mary Ann at natagpuan nila itong nakahiga sa sidewalk na walang malay kung saan sila madalas natutulog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.