Lindol sa Myanmar, Thailand kumitil ng mahigit 1,000 katao
LAMPAS 1,000 katao ang kumpirmadong patay matapos yanigin ng isang napakalakas na lindol ang Myanmar at Thailand nitong Biyernes, March 28.
Gumulantang sa publiko ang magnitude 7.7 na lindol na tumama sa hilagang-kanluran ng lungsod ng Sagaing sa central Myanmar noong hapon.
Ilang minuto lang ang lumipas, isang magnitude 6.7 na aftershock ang sumunod na nagpalakas pa sa pinsala.
Patuloy ang paghuhukay ng mga rescuers sa gumuhong mga gusali sa pag-asang may maililigtas pang mga buhay.
Baka Bet Mo: DFA: Walang Pinoy ang nasaktan sa lindol sa Myanmar, Thailand
View this post on Instagram
Dahil sa matinding pagyanig, bumagsak ang mga gusali, nasira ang mga tulay, at nagkabitak-bitak ang mga kalsada sa iba’t ibang bahagi ng Myanmar.
Pinakaapektado ang Mandalay, ang pangalawang pinakamalaking lungsod ng bansa na may mahigit 1.7 milyong residente.
Batay sa opisyal na ulat ng ruling junta, nasa 1,002 na ang kumpirmadong patay sa Myanmar at halos 2,400 ang sugatan. Samantala, may 10 namang kumpirmadong nasawi sa Bangkok.
Pero dahil sa mahigpit na kontrol ng militar sa impormasyon, hirap pa ring malaman ang tunay na lawak ng pinsala. Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga biktima habang patuloy ang mga search-and-rescue operation.
Wasak ang Myanmar!
Ayon sa mga geologist, ito na ang pinakamalakas na lindol na tumama sa Myanmar sa loob ng maraming dekada. Sa lakas ng pagyanig, kahit ang mga gusali sa Bangkok na daan-daang kilometro ang layo mula sa epicenter ay nagtamo rin ng matinding pinsala.
Sa Mandalay, nakita ng mga mamamahayag ng AFP ang isang Buddhist pagoda na nagiba dahil sa lindol.
“Nagsimulang umalog, tapos lumakas nang lumakas,” lahad ng isang sundalo na nakatalaga sa checkpoint malapit sa pagoda.
“Gumuho rin ang monastery. Isang monghe ang namatay. Marami ang nasugatan, may nailigtas kami at nadala sa ospital,” dagdag niya.
Ang ulo ng pangunahing Buddha statue sa monasteryo ay nalaglag at inilagay na lang sa paanan ng rebulto.
“Wala nang gustong matulog sa loob ng monastery kasi may balitang baka may kasunod pang lindol. Hindi ko pa naranasan ang ganitong sakuna sa buong buhay ko,” aniya.
Samantala, hindi pinayagan ng mga guwardiya ang mga mamamahayag na makapasok sa Mandalay Airport.
“Sarado na ito mula kahapon,” sabi ng isang opisyal. “Bumagsak ang kisame pero wala namang nasaktan.”
Dahil sa kulang na kulang ang rescue services at pasilidad sa
Nagpapahirap ito sa relief operations dahil kulang na kulang ang rescue services at healthcare facilities bunsod ng apat na taong civil war matapos ang military coup noong 2021.
Junta, humihingi ng tulong!
Humingi ng tulong mula sa international community ang lider ng Junta na si Min Aung Hlaing noong Biyernes, na nagpapahiwatig ng tindi ng pinsalang idinulot ng sakuna.
Nagdeklara na ng state of emergency ang gobyerno sa anim na rehiyong matinding naapektuhan ng lindol. Sa isang ospital sa Naypyidaw, sa tindi ng dami ng nasugatan, sa labas na lang ng ospital ginagamot ang mga pasyente.
Dahil dito, unti-unti nang dumarating ang international aid. Nangako si dating US President Donald Trump ng tulong sa Myanmar.
“Napakalala ng trahedyang ito, at tutulong kami. Kinausap na namin ang gobyerno,” ayon kay Trump.
Dumating na rin sa Yangon ang isang eroplanong mula India na may dalang hygiene kits, kumot, food packs, at iba pang essential supplies. Nagpadala rin ang China ng 82 rescue personnel para tumulong sa search-and-rescue operations.
Pero ayon sa mga aid agency, hindi sapat ang kakayahan ng Myanmar na humarap sa ganitong kalaking sakuna. Bago pa man tumama ang lindol, tinatayang 3.5 milyong tao na ang nawalan ng tirahan dahil sa gera, at marami na rin ang nagugutom.
Lindol, nagpaguho sa Bangkok skyscraper!
Sa Thailand naman, isang 30-palapag na gusali sa Bangkok ang bigla na lang bumagsak sa lakas ng lindol.
Ayon kay Bangkok Governor Chadchart Sittipunt, may 10 nang kumpirmadong patay sa lungsod, karamihan ay sa bumagsak na gusali. Hanggang ngayon, may 100 construction workers pa ang nawawala.
“Ginagawa namin ang lahat ng makakaya para mailigtas ang sinumang buhay pa sa ilalim ng guho,” ayon kay Chadchart.
Ginamit na ng mga rescuer ang thermal imaging drones at nakita nilang may indikasyon na may 15 pang buhay sa ilalim ng gumuhong gusali.
Samantala, naglabas ng abiso ang Bangkok city authorities na magpapadala sila ng mahigit 100 engineers para suriin ang kaligtasan ng mga gusali sa buong lungsod matapos makatanggap ng 2,000 reports ng structural damage.
Sa ngayon, patuloy pang lumalaki ang bilang ng mga nasawi at sugatan habang nagpapadala ng tulong ang iba’t ibang bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.