Rider na binaril ng motorista sa Antipolo road rage pumanaw na

NAMATAY na ang rider na nabaril sa naganap na road rage sa Marcos Highway, Sitio Calumpang, Brgy. San Jose, Antipolo City, nitong Linggo.
Kinumpirma ni Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo City Police, na pumanaw na ang biktimang nagtamo ng tama ng bala sa ulo kaninang alas-6 ng umaga habang naka-confine sa ospital.
Ayon pa sa ulat, nakalabas na ng ospital ang tatlo pang nasugatan sa nangyaring pamamaril, kabilang na ang sinasabing partner ng suspek.
Sa isang panayam kay Manongdo, dahil sa pagkamatay ng isa sa mga biktima, iaakyat nila sa mas mabigat na kaso ang isasampa laban sa suspek.
“Ia-upgrade (ang kaso). Kukunin lang natin ang death certificate ng nasawing biktima,” sabi ng PNP official.
“Tinanggap na po ng Prosecutor’s Office yung sinampa nating complaint against po sa suspect natin. Kung saan ang isinampa natin sa kanya ay three counts of frustrated murder and yung violation po ng gun ban.
“Tapos patay na po yung isang biktima. Yung naisampa natin nitong hapon na three counts of frustrated murders, bale i-amend natin siya kasi patay na po yung nakita nating nakahandusay, yung nabaril sa ulo,” ani Manongdo.
View this post on Instagram
Inaasahang gagawing murder at two counts ang frustrated murder at paglabag sa gun ban ang ikakaso laban sa suspek.
Base sa pagsisiyasat ng Antipolo Police, tinamaan ng bala sa ulo ang 52-anyos na rider habang natamaan naman sa kanang braso ang kanyang 22-anyos na anak.
Tinamaan din ng bala sa dibdib ang isang lalaki na umawat sa pag-aaway ng suspek at ng biktimang rider. Sa hita naman napuruhan ang umano’y misis ng nag-amok na suspek.
Nagtangkang tumakas ang suspek ngunit naaresto rin siya sa isinagawang hot pursuit operation ng mga pulis sa isang checkpoint sa Brgy. Mayamot.
“Nagkaroon ng habulan and then eventually naaresto natin yung gunman dun mismo sa border control point natin,” ang pahayag ni Rizal Provincial Director Pcol. Felipe Maraggun sa isang panayam.
Narekober sa kanya ang isang 9mm pistol na walang kaukulang dokumento. Ani Maraggun, “Walang maipakitang papel ‘yung may-ari, so we will verify this with the Firearms and Explosives Office of the PNP and iche-check natin kung ito ay registered o unregistered.”
Samantala, ayon sa isang saksi, nangyari ang insidente sa tapat ng coffee shop na kanyang pinapasukan dakong 5 p.m.. Kitang-kita raw niya ang pagtatalo ng lalaking nakasakay sa itim na SUV at isa pang lalaking naka-motor suot ang kanyang helmet.
“Nasilip ko lang po sa labas na may bumusina ng malakas tapos nag-aaway na po sila dun. Di ko po sure kung yung naka-motor.
“Sabi kasi sa kanya, ‘Kanina ka pa nanggigitgit’, galit na galit po yung naka-motor. Then tinuro po nu’ng motor, ‘Dito ka, tumigil ka dito saglit,'” sabi ng witness.
Hanggang sa magsuntukan na raw ang dalawa,. May mga nagtangka naman daw umawat sa mga ito at makalipas ang ilang segundo ay nakarinig na siya ng sunud-sunod na putok ng baril.
Nagpaliwanag naman ang suspek na nasa kustodiya na ngayon ng Antipolo Police. Aniya, may sinusundan siyang convoy at naka-hazard naman, nang bigla siyang harangin ng mga naka-motor.
“Yung isang lalaki po na naka-helmet ‘yung matanda po na nahinto sa akin bubunutan po ako ng baril. Siyempre mati-trigger po ako sa ganu’n. Nag-usap po kami sinabi ko kumalma po kayo kasi kasama ko po ‘yung pamilya ko,” sabi ng suspek sa naturang panayam.
Pero hindi raw nagpaawat ang lalaki hanggang sa matabig nito ang kanyang kapatid, “Simula nu’n du’n na po kami nagsuntukan. Tumakbo po ako sa may gilid tapos du’n na po nila ako binugbog.
“Di ko po gusto na mangyari yun nablanko na po ako kasi ang sakit na ng katawan ko sa bugbog po nila, eh. Pinagsusuntok po nila ako sa ulo, sa dibdib tsaka sa katawan,” salaysay ng suspek.
“Saka ko po kinuha yung baril ko sa may sasakyan bigla pong sumugod sa akin yung matanda. Tapos yun du’n ko na po siya natamaan,” sabi pa ng suspek.
May mga kumampi sa suspek at nagsabing napakaraming mga nagmo-motor ngayon ang akala mo kung sino makaasta sa kalye kaya palaging nasasangkot sa aksidente.
.
Self-defense raw ang ginawa ng suspek dahil baka siya ang mapatay ng mga nambugbog sa kanya kung hindi siya nanlaban.
Meron namang nagpahayag ng suporta sa mga biktima dahil hindi raw tama ang gumamit ng baril sa ganu’ng mga pagkakataon. Kailangan daw ng mas mahabang pasensiya kung ikaw ay driver.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.