Motorista namaril dahil sa away-kalsada, asawa tinamaan ng bala

Photos from Facebook
TATLO katao ang nasugatan matapos ang naganap na road rage sa Boso-Boso, Antipolo City, Rizal, nitong Linggo, March 30.
Nauwi sa pamamaril ang nangyaring pagtatalo sa pagitan ng suspek at isang lalaking rider nakasuot ng helmet, kung saan tinamaan din ng bala ang misis ng salarin. Dinala ang mga sugatang biktima sa Cabading Hospital.
Base sa ulat, naganap ang insidente sa isang kalye sa Barangay San Jose, Antipolo. Nakilala ng mga otoridad ang suspek sa alyas na “Kenneth”, 28.
Ayon kay Antipolo City Mayor Jun Ynares, naaresto agad ang suspek sa isinagawang follow-up operation sa isang checkpoint sa Masinag, Barangay Mayamot, Antipolo City, kung saan narekober din ang ginamit niyang baril.
Base sa mga kumalat na video sa social media, makikita ang suspek na nakikipag-away sa rider habang inaawat ng mga taong nakasaksi sa insidente.
Kasunod nito, bumunot nga ng baril ang suspek at nagpaputok ng ilang beses. Tinamaan ang rider, ang kanyang misis na nagbi-video ng mga kaganapan at isa pang bystander.
Sa Facebook ibinahagi ni Antipolo City Mayor Jun Ynares ang naturang video, “Nahuli ang suspect na nambaril ng kanyang nakaalitan sa daan. Sa dami ng beses niya pinaputok ang kanyang baril, pati misis niya ay kanyang tinamaan.”
Paalala naman ng alkalde sa lahat ng motorista “Lamig ng ulo sa daan ang kailangan. Nahuli ang suspect na nambaril ng kanyang naka alitan sa daan.
“Sa dami ng beses niya pinaputok ang kanyang baril, pati misis niya ay kanyang tinamaan,” aniya.
Dugtong pa ng alkalde, “Dinala sa hospital ang mga sugatan kasama ang kanyang may bahay. Isa ang nasawi sa nasabing insidente ngayong hapon.
“Drive safely Antipolo. Hindi mahalaga kung sino ang tama at sino ang mali. Keep your cool all the time. It’s not worth it. Ipaubaya po sa Diyos ang lahat,” aniya pa.
Samantala, ayon naman kay Rizal Provincial Police Office Director Police Col. Felipe Maraggun, kumpirmadong walang Certificate of Authority mula sa Commission on Elections ang suspek para magdala ng baril kaugnay na rin ng ipinatutupad na nationwide election gun ban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.