Mark Herras kinasuhan ni Jojo Mendrez dahil sa bantang ‘susunugin ko bahay mo’

Mark Herras at Jojo Mendrez
TULUYAN nang sinampahan ng kasong grave threat ni Manuel Padillo Tan o Jojo Mendrez, 56, ang aktor at dancer na si Mark Angelo Santos Herras, 38.
Nakatanggap kami ng kopya ng sinumpaang salaysay ng reklamo ni Jojo ngayong hapon kung saan detalyado niyang ikinuwento kung paano nag-ugat ang kanyang reklamo kay Mark.
Matatandaang sinulat namin dito sa BANDERA kahapon, Marso 31 na namataan si Jojo sa Kamuning Police Station 10, EDSA, Quezon City dahil pina-blotter niya si Mark.
Na-bother si Jojo kasama ang kanyang Aqueous Entertainment management team sa biro ng aktor na, “susunugin ko ang bahay mo kung eechepwera mo ako.”
Parte ng salaysay ni Jojo, “Dahil sa matinding pagbabanta na ito, naisip ko agad na manghihingi na naman sa akin ito ng pera tulad ng kanyang nakagawian na gawin sa akin para manahimik siya at hindi niya ako takutin at gambalain. Ang perang nabigay ko na sa kanya ay walang anumang kapalit.”
Inamin din ni Jojo na ipinarating niya sa media friends ang ginawang ito ni Mark sa kanya para ma-aware rin na may ibang taong nakakaalam sa birong-banta sa kanya.
Umasa ang tinaguriang Revival King na makikipag-ugnayan sa kanya si Mark para mag-usap sila kung bakit siya iniwan sa nakaraang PMPC Star Awards for TV, pero ilang araw na ang nakalipas ay hindi ito nagparamdam.
View this post on Instagram
At para sa peace of mind ni Jojo ay pina-blotter niya ang aktor at mananayaw kasabay na rin ng pagsasampa ng kasong grave threat kasama ang abogadang si Atty. Pauline Advincula sa nasabing police station ngayong araw.
Say ng manager ni Jojo na si David Bhowie C, “After po kasi ngayon (pag-submit) ng affidavit diretso po bukas ang lawyer at si Jojo sa Quezon City Hall of Justice to formally file the case. Prerequisite po kasi ang affidavit at blotter.”
May panayam naman ang TV5 sa abogado ni Jojo na si Atty. Advincula paglabas nila ng police station.
“Nandito si Jojo Mendrez para magkaroon ng recordal of his complaint doon sa insidenteng nangyari na pagbabanta sa kanya amounting to grave threat, he must threaten to be harm sa person niya at sa kanyang property,” pahayag ng lady lawyer g mang-aawit.
Hindi naman nagbigay ng anumang detalye na si Jojo dahil ipinauubaya na niya ang lahat sa legal counsel niya. Pero nalulungkot siya na humantong sa ganitong sitwasyon ang lahat at wala rin siyang mensahe para kay Mark.
Sabi pa ng abogada ni Jojo, “Hindi tama ang magbabanta ka or anything to anybody or threaten anybody sa kanyang person o sa kanyang property at hindi po iyon tama at mayroon tayong laws na covered by revised penal code on this.”
Abangan bukas ang pagpunta nina Atty. Advincula at Jojo kasama ang kanyang management team sa Hall of Justice para ipa-receive ang nasabing reklamo laban kay Mark Herras.
Bukas ang BANDERA sa panig ni Mark tungkol sa reklamo sa kanya ni Jojo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.