Diego Loyzaga binalaan ni Cristy Fermin matapos umurong sa 2 interview: 'Bakit ka natakot, bakit ka naduwag?' | Bandera

Diego Loyzaga binalaan ni Cristy Fermin matapos umurong sa 2 interview: ‘Bakit ka natakot, bakit ka naduwag?’

Reggee Bonoan |June 08,2023
facebook
share this

Diego Loyzaga binalaan ni Cristy Fermin matapos umurong sa 2 interview: ‘Bakit ka natakot, bakit ka naduwag?’

Reggee Bonoan - June 08, 2023 - 07:05 PM

Diego Loyzaga binalaan ni Cristy Fermin matapos umurong sa 2 interview: 'Bakit ka natakot, bakit ka naduwag?'

Diego Loyzaga at Cristy Fermin

NAPANOOD kaya ni Diego Loyzaga ang “Cristy Ferminute” program nina Nanay Cristy Fermin at Romel Chika sa One PH YouTube channel at Radyo 5 92.3 TRUE FM kaninang tanghali?

Pagkalipas kasi ng dalawang oras ay nag-post ng larawan ang aktor na may kargang sanggol na nakahilig sa kanya. Ang caption niya rito ay, “The best birthday gift ever (heart emoji).”

Kaya namin naitanong kung napanood o napakinggan ni Diego ang “CFM” ay dahil nagalit sa kanya si ‘Nay Cristy dahil hindi natuloy ang live interview sana niya kahapon sa naturang programa.

Ang purpose raw kasi ng panayam ng aktor ay para sa promo ng pelikula nila ni Julia Barretto na “Will You Be My Ex” na ipalalabas na sa Hunyo 21 under Viva Films.

View this post on Instagram

A post shared by Bandera (@banderaphl)


At nakagugulat ang teaser ng “CFM” para sa panayam nipa sana sa aktor, “REBELASYON at pinagpipistahan, Diego Loyzaga proud tatay na?

Nagulat daw kasi si Diego, ang alam lang niya ay promo ng movie nila. Puwede ba namang puro tungkol lang sa pelikula ang pag-usapan, natural may kumustahan at update dahil medyo nawala siya sa sirkulasyon lalo’t umugong na ang balitang tatay na nga siya.

Anyway, narito ang mga binitiwan salita ni ‘Nay Cristy sa programa nila ni Romel Chika, “Kahapon po ay nasa streamyard na po si Diego Loyzaga dahil guest nga po namin siya, pero nang mapanood niya ang teaser na, ‘Diego Loyzaga proud tatay na?’ Bigla po siyang nawala. Ang katwiran po niya ay hindi na raw siya makapasok.

Baka Bet Mo: Diego Loyzaga tikom pa rin ang bibig ukol sa estado ng kanilang relasyon ni Barbie Imperial

“Alam mo (Diego), ‘wag naman tayo! Not us! ‘Wag n’yo kaming paglolokohin kayo pa bang mga kabataan ang hindi magkakaroon ng magandang internet (o) ng mga gadgets?

“Kung kami nga mga ordinaryo lamang pinaghahandaan namin ito kayo pa kaya na ‘yan na ang mundo n’yo, di ba? Eto ‘yun Diego lumanding na ang kuwentong ‘yan sa mga pahayagan,” bungad ng beteranang manunulat at host.

At saka ibinuking ni ‘Nay Cristy na noong Marso pa ay may alam na siya tungkol sa non-showbiz girlfriend ng aktor.

View this post on Instagram

A post shared by Diego 🪬 (@diegoloyzaga)


“Noong nakaraang Marso (2023) ay nagpunta ka sa konsolado ng Perth, Australia may kasama kang babaeng nagdadalantao. Inaayos n’yo ang inyong mga dokumento. Noong Marso ‘yan Hunyo na tayo ngayon.

“Yung babae nanganak na, di ba? Ano ba naman ‘yung itinuloy mo pa rin ang panayam namin sa ’yo? Puwede mo namang sagutin na, ‘puwede po ba Tita na ‘yung personal ko ‘wag na nating salatin?’

“Napakabait namin sa ’yo at hindi kami hihingi sa ‘yo ng detalye. At kung sasagutin mo ng ‘oo o hindi’ maraming salamat. Ganu’n lang ‘yun bakit ka natakot, bakit ka naduwag? Bakit umurong ang dapat umurong sa ’yo?” malumanay na paliwanag ni ‘Nay Cristy.

Nabanggit na malaking abala ang ginawa ni Diego sa hindi niya pagsipot sa “Cristy Ferminute” kahapon dahil nga siya ang dapat na unang isasalang sa unang bahagi ng show.

“Paano kung wala pala kaming nakahandang materyales dahil inilaan namin sa ’yo ang panahon? Paano kung kami pala ay mangangarag bigla kang umalis?” sabi ni Nay Cristy.

Dito na tumaas ang boses ng online at radio host dahil dalawang beses na pala itong ginawa ni Diego sa kanila.

“Makalawang beses mo na itong ginagawa ito sa amin, Diego Loyzaga! Noong una nang inaway-away ka ni Barbie Imperial tungkol sa sinabi kong nag-away kayo sa Golden Hills sa bahay na luma ng mga Loyzaga tumakbo sa ulanan itong si Barbie Imperial tumakbo ka hinabol mo siya at ibinalik mo siya sa bahay.

“Tinanong mo ako, ‘sino po ba ang source nyo?’ Ang sabi ko sa hanay naming mga manunulat hindi kami nagsasabi kung sino ang aming source basta detalyado kong mailalahad sa iyo kung paano kayo nag-away ni Barbie Imperial, tapos ang sabi mo, ‘ang mommy ko po ba ang source n’yo?’

“Of course not! Bakit ka ipapahiya ng iyong ina mismo? Hindi magkukuwento sa iyo ang mommy Theresa Loyzaga mo ‘yan dahil kasiraan mo ‘yan.

“Una, pinagbigyan ka namin, pangalawa eto na naman. Nabahag na naman ang buntot mo bigla mo kaming iniwan nakatiwangwang, nakatanga, mabuti na lang may nakahanda kaming mga materyales!

“Sa ikatlo tapos ka na Diego Loyzaga dahil hindi na kami makakapayag sa ikatlong pagkakataon ay gawin mo na naman kaming tanga!” ang babala ni Nay Cristy sa aktor.

Sundot ni Romel Chika, inaabangan daw kasi ng mga listeners ng “CFM” sa aktor tapos wala siya dahil hindi na siya makapasok.

View this post on Instagram

A post shared by Diego 🪬 (@diegoloyzaga)


Sabi pa ni Nanay Cristy, “Isipin mo nakikiusap kayo para makapag-promote (ng pelikula) dahil alam naman natin na reciprocal ang ating relasyon, kailangan ninyo ng programa na maghahayag sa publiko ng pelikulang ginagawa n’yo. Kayo naman ay kailangan din namin kayo para may kuwento ring laman ang aming programa.

“Pero bakit ganu’n nakikiusap kayo ng promo pero narinig mo lang ‘yung promo na pinagpipistahan na kung ikaw ba ay proud ng tatay, question mark pa? Sana exclamation point na lang ang ginamit namin tutal naman ‘yun ang totoo pero bigla kang nawala.

“Ano ikakatwiran mo hindi ka makapasok, ‘wag mo kaming linlangin, ‘wag mo kaming lokohin. Ang aga-aga mo, nasa news pa si Cheryl Cosim nasa streamyard ka na bigla kang nawala?

“At Diego wala ka pa sa estado na pupuwede mo kaming lansihin, wala ka pang gaanong napapatunayan.

“Diego wala ka pa sa posisyon na pupuwede mong gawin ang ganyan. Ang pamilya mo ay mahal ko, ang nanay (Teresa) ay mahal ko kahit sinuman sa pamilya Loyzaga wala akong kinakitaan ng kabastusan.

“Ikaw ang bukod tanging Loyzaga na bastos at ‘yan ay kaya kong panindigan kahit saan tayo makarating. Dalawang beses mo nang ginawa ‘yan hindi na ‘yan mauulit Diego Loyzaga!” ang sabi pa ng batikang mamamahayag.

Nabanggit pa na sana raw ay inamin na lang ni Diego ang kanyang anak at dito pa siya hahangaan ng publiko dahil binigyan niya ng pangalan at pinanindigan niya ang bata.

Anyway, nagpadala kami ng mensahe kay Diego sa kanyang Instagram accout para hingan ng reaksyon kung bakit hindi siya natuloy sa panayam nina Nanay Cristy at Romel Chika kahapon. Pero hindi kami sinasagot hanggang matapos naming sulatin ang balitang ito.

Bukas ang BANDERA sa magiging paglilinaw ng aktor.

Barbie Imperial umasa nga bang magkakabalikan pa sila ni Diego Loyzaga?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Xian Gaza nag-sorry kay Barbie Imperial: Nawa’y mapatawad mo ako

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending