Isko nais muling buhayin ang ‘Estero Rangers’ para sa kalinisan ng Maynila

Isko Moreno
MULING pakikilusin ang tinaguriang “Estero Rangers” upang linisin ang mga daluyan ng tubig at kanal sa lungsod kung si dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang masusunod.
Ang “Estero Rangers,” isang nakatalagang grupo na inatasang maglinis ng mga daluyan ng tubig ay inilunsad sa ilalim ng administrasyon ni Domagoso bilang bahagi ng pinaigting na kampanya sa kalinisan sa buong lungsod.
“Naalala ninyo ba ang ‘Estero Rangers’? Sila ang itinalaga para tumutok sa paglilinis ng ilog,” sey ni Domagoso sa “Meet the Manila Press” forum.
Si Domagoso, na ngayon ay kandidato sa pagka-alkalde para sa nalalapit na lokal na halalan sa 2025 sa Maynila, ay nagsabing ang patuloy na paglilinis ng mga daluyan ng tubig ay nangangailangan ng pang-araw-araw na dedikasyon at pagtutulungan.
Ayon sa dating alkalde, ang pagpapakalat ng mga ganitong grupo ay bahagi ng mga inisyatiba ng kanyang administrasyon upang suportahan ang Manila Bay Clean-Up and Rehabilitation Program.
Baka Bet Mo: Isko Moreno ipinahayag ang malasakit na plano para sa Maynila
Bagamat inamin niyang ang rehabilitasyon ng Roxas Boulevard ay isang proyekto ng pambansang gobyerno noong panahong iyon, binigyang-diin ni Domagoso na mahalaga ang naging papel ng Maynila sa pagsuporta sa programa sa pamamagitan ng mga lokal na clean-up drive at rehabilitasyon ng mga daluyan ng tubig.
“Kami naman sa Lungsod ng Maynila ay naging bahagi rin ng programa sa aming sariling kakayahan,” sambit niya.
Pinapurihan din niya ang Department of Public Services (DPS) sa ilalim ng dating direktor na si Kenneth Amurao dahil sa kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kalinisan sa lungsod.
“Dahil sa dedikasyon ng mga empleyado ng lungsod, patuloy nilang nililinis ang kalsada ng Maynila araw-araw,” ani ng mayoral candidate.
Samantala, inalala rin ni Domagoso na isa sa pinaka-kapansin-pansing operasyon ng paglilinis ay naganap sa Baseco, kung saan malaking bahagi ng basura ay hindi nagmula sa mga residente kundi inanod lamang mula sa Manila Bay.
“Ang basura roon ay hindi naman talaga galing sa mga residente. Karamihan sa mga basura ay inaanod lamang mula sa Manila Bay at napapadpad sa dalampasigan,” paliwanag niya.
Gayunpaman, ipinagmamalaki niya ang positibong epekto ng mga clean-up efforts na ito, at sinabing nananatiling prayoridad ng lungsod ang kalinisan at kaayusan sa Maynila sa kabila ng malalaking proyektong pang-imprastraktura para sa pabahay, edukasyon, at pampublikong kalusugan.
“Mas mahirap gumawa ng pabahay, paaralan, o modernong ospital, pero ang paglilinis ng lungsod ay kayang-kayang gawin araw-araw dahil nariyan na ang mga kagamitan at tauhan ng lungsod,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.