Malinis at ligtas na Maynila: Isko Moreno ibabalik ang kaayusan, disiplina
ANG pagbabalik ng kalinisan at kaayusan sa kapitolyo ng bansa ang magiging prayoridad ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sakaling mabigyan ng pagkakataong muling pamunuan ang siyudad.
Ito ang naging pagtitiyak ni Domagoso sa gitna ng dumaraming ulat tungkol sa pagkasira ng lungsod at pagtaas ng kriminalidad.
Ayon sa dating alkalde, batay sa mga ulat mula sa Divisoria, pati na rin sa mga pangunahing kalsada ng R-10 at Taft Avenue, ang lumalalang problema ng pagsisikip ng mga lansangan, talamak na kriminalidad, at lumolobong kaso ng kaguluhan ay mga pangunahing isyu na nangangailangan ng agarang aksyon.
“Nangadugyot ulit ang Maynila ngayon. Ang krimen natin, hindi pwedeng itanggi, ang dami na namang holdapan, “ wika ni Domagoso.
Baka Bet Mo: Serbisyong pampubliko ni Isko Moreno patuloy na ginagaya sa iba’t-ibang lungsod
“Nakikita niyo ang R-10. Kita niyo ang Taft Avenue. Naaawa ako kasi tumino na ang Maynila, nilinis natin ito noon. Ngayon, bumalik na naman ang kadugyutan at takot sa lansangan,” sey pa niya.
Bilang bahagi ng kanyang adyenda para sa mas malinis at mas ligtas na Maynila, binigyang-diin ni Domagoso ang pangangailangan ng aktibong pamamahala sa pagpapatupad ng batas at pangangasiwa ng lungsod.
Ayon pa kay Isko, kabilang sa mga hakbang ng kanyang nakaraang administrasyon ang araw-araw na paglilinis ng mga lansangan, clearing operations, at matibay na presensya ng pulisya upang sugpuin ang kriminalidad.
“Pumanatag po kayo, mga lolo at lola ko, mga nanay at tatay ko, mga Batang Maynila, lilinisin natin ulit ang Maynila,” paniniguro ng mayoral candidate.
Patuloy niya, “Magbibigay ulit tayo ng kapanatagan na habang natutulog kayo, may gobyernong nagbabantay sa lansangan.”
Ipinunto ni Domagoso na ang mga patakaran at hakbang ng kanyang administrasyon ay naging epektibo sa pagpapaluwag sa mga pangunahing kalsada at pagpapabuti sa daloy ng trapiko.
“Ang gobyerno ay nandiyan upang ipatupad ang batas at protektahan ang mamamayan. Hindi ito mahirap gawin kung may disiplina, tiyaga, at tunay na malasakit,” banggit niya.
Aniya pa, “Babalik natin ang gobyerno sa lansangan—para sa kaligtasan at kapayapaan ng bawat Manileño.”
Bukod sa kaligtasan at kalinisan, nangako rin si Domagoso na pasisiglahin ang mga serbisyong may kinalaman sa pampublikong pangkalusugan, mga proyektong pabahay, at mga social welfare programs, na ayon sa maraming Manileño ay napabayaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.