Nora Aunor, Superstar at National Artist pumanaw na sa edad 71
PUMANAW na ngayong araw ang nag-iisang Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor. Siya ay 71 years old.
Kinumpirma ng kanyang anak na si Ian de Leon ang malungkot na balita sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.
Kalakip ang black and white photo ng Superstar ang kanyang mensahe para sa ina, “We love you Ma.. alam ng diyos kung gano ka namin ka mahal.. pahinga ka na po Ma.. nandito ka lang sa puso at isipan namin.”
Sa isa pang hiwalay na FB post, ibinahagi ni Ian ang official statement ng kanilang pamilya tungkol sa pagpanaw ni Ate Guy.
“With deep sorrow and heavy hearts, we share the passing of our beloved mother, Nora C. Villamayor ‘Nora Aunor’ who left us on today April 16, 2025 at the age of 71.
“She was the heart of our family — a source of unconditional love, strength, and warmth. Her kindness, wisdom, and beautiful spirit touched everyone who knew her. She will be missed beyond words and remembered forever.
Details to be announced tomorrow,” Aniya.
Bukod kay Ian, naulila rin ng movie at TV icon ang iba pa niyang mga anak na sina Lotlot de Leon, Matet de Leon, Kiko de de Leon at Kenneth de Leon.
Si Ate Guy ang unang artistang babae na nagwagi ng International Best Actress Award sa Cairo International Film Festival para sa pelikulang “The Flor Contemplacion Story”.
Siya rin ang nag-iisang Filipino actress na napabilang sa 100 Centennial Honor for the Arts na iginawad ng Cultural Center of the Philippines noong 1999.
Nagmula sa isang mahirap na pamilya si Ate Guy kaya para makatulong sa kanyang mga magulang ay naitinda siya ng mani at tubig sa mga istasyon ng tren sa Bicol.
Kasunod nito, sumali siya sa mga amateur singing contests sa kanilang bayan hanggang sa mag-join nga siya noong 1967 at nagwagi sa “Tawag ng Tanghalan” na siyang nagbukas ng pinto sa pagpasok niya sa showbiz.
Nagkaroon siya ng recording contract at naging sikat na singer sa Pilipinas noong dekada ’60, na naglabas ng maraming hit songs.
Nakagawa rin si Ate Guy ng mahigit sa 170 pelikula at mga teleserye sa ABS-CBN at GMA 7.
Nakatanggap din siya ng napakaraming parangal sa loob at labas ng bansa. Ang ilan sa mga pelikulang nagawa ni Ate Guy at umani ng parangal ay ang “Tatlong Taong Walang Diyos” (1976), “Himala” (1982), “Bona” (1980), “Thy Womb” (2012) at marami pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.