Serbisyong pampubliko ni Isko Moreno patuloy na ginagaya sa iba’t-ibang lungsod
IPINAGMAMALAKI ng lungsod ang mga programang pang-emergency at tulong na ipinatupad ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na naging inspirasyon din para sa ibang mga lungsod.
Sa isang panayam sa DZRH, binalikan ni Domagoso ang pagpapatupad ng kanyang COVID-19 response plan na tinawag na “CODE-M,” na nangangahulugang Contain, Delay, and Mitigate.
“‘Yung CODE-M ang naging paraan natin para labanan ang COVID-19: pigilan ang pagkalat, bawasan ang pagdami ng kaso, at solusyunan ang epekto nito sa kabuhayan ng mga tao,” sey ng dating mayor.
“Natutuwa ako dahil ginaya ito ng iba nating mga mayor sa Metro Manila. Nagkaisa ang lahat para tumulong sa mga tao,” dagdag niya.
Sa ilalim ng planong ito, naglaan si Domagoso ng malaking pondo para sa pagpapaganda at modernisasyon ng mga pampublikong ospital sa Maynila.
Baka Bet Mo: Isko Moreno bubuksan ang Baseco Hospital; Walk-in sa health centers ibabalik
Pinatibay rin niya ang seguridad sa pagkain at mga serbisyong pangkalusugan sa lungsod.
“Sa ganitong sitwasyon, mahalagang mag-invest sa healthcare system—mula sa mga pasilidad at pagsasanay ng mga medical workers hanggang sa pagkuha ng mas maraming doktor at nars,” paliwanag niya.
Bukod sa pagpapatayo ng mga bagong ospital, laboratoryo, at storage facilities, binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga pangunahing pangangailangan.
“Gamot, bakuna, pagkain—’yan ang may direktang epekto sa buhay ng tao,” aniya.
Wika pa niya, “Sa Maynila, buwan-buwan ay may natatanggap na food box ang 700,000 pamilya.”
“Salamat sa Diyos, nalampasan natin ang hirap. Walang nagutom sa Maynila,” sambit pa ni Isko.
Si Domagoso,na muling tatakbo bilang alkalde sa darating na 2025 elections ay nangangampanya upang muling gawing maunlad at progresibo ang lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.