Isko Moreno bubuksan ang Baseco Hospital; Walk-in sa health centers ibabalik

Mayoral candidate Isko Moreno
NANGAKO si Manila mayoral candidate Isko Moreno na bubuksan niya ang Baseco Hospital sa Disyembre, tatlong taon makalipas itong matapos itayo.
Bukod diyan ay aalisin na rin ang online scheduling system sa health centers upang maibalik ang walk-in consultations para sa mga residente ng Maynila.
Ito ang naging pahayag ng dating alkalde ng lungsod sa isang medical mission na kanyang pinasinayanan sa Barangay 378, Oroquieta Road, Santa Cruz, Maynila, kung saan nakatanggap ang mga residente ng libreng serbisyong dental, konsultasyong medikal, at ophthalmology check-ups.
“Una, bubuksan na natin ang Baseco Hospital. Nalulungkot tayo—natapos ‘yon tatlong taon na ang nakalipas, pero hanggang ngayon, hindi pa rin ito nagagamit. Nangako tayo sa mga taga-Baseco, at sa tulong ng Diyos, bubuksan natin ito sa Disyembre,” sey ni Moreno.
Baka Bet Mo: Isko Moreno ipinahayag ang malasakit na plano para sa Maynila
Bukod sa pagbubukas ng ospital, sinabi rin ni Moreno na plano niyang alisin ang online scheduling system sa health centers ng Maynila at ibalik ang dating sistema kung saan maaaring magpakonsulta ang mga residente sa doktor at makatanggap ng libreng gamot anumang oras.
“Siyempre, tatanggalin natin ang online scheduling system sa health centers. Ibabalik natin ‘yung dati kung saan kahit kailan pwedeng magpatingin ang mga tao at may makukuhang gamot, maintenance medicines, at bitamina sa health centers na siyang pangunahing frontline healthcare services natin,” paliwanag niya.
Ibinunyag din ni Moreno ang kanyang pagkadismaya ukol sa mga diagnostic machines tulad ng MRI at CT scan equipment na ayon sa kanya ay hindi pa nagagamit kahit bagong bili.
“Ang ating mga makina para sa diagnostic purposes ay papaandarin na natin. Mukhang hindi nagagamit ang MRI at CT scan machines—brand new lahat ‘yon. Hindi naman dahil sira, pero hindi ko alam kung bakit hindi ito nagagamit. Tinanong ko ang ilang taga-Maynila, at karamihan sa kanila ay hindi pa ito nasubukan,” sambit ni Moreno.
Binigyang-diin din ni ‘Yorme’ ang kanyang pagtutok sa Minimum Basic Needs (MBN) o ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
“Tayo, naniniwala tayo sa MBN—Minimum Basic Needs. Lagi nating tutugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga tao pagdating sa kalusugan, edukasyon, pabahay, at trabaho,” aniya.
Naging matagumpay ang unang termino ni Moreno bilang alkalde ng Manila. Kinilala siya bilang top-performing mayor sa buong National Capital Region noong 2021 kung saan nakakuha siya ng 88% approval rating.
Kasalukuyang nangunguna si Moreno sa mga survey para sa susunod na mayor ng lungsod at tumatamasa ng hindi bababa sa 70% na voter preference.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.