Tulong ni Isko Moreno noong COVID-19 pandemic kinilala ng mga residente sa 2025
Eleksyon 2025 - Bandera April 14, 2025 - 03:37 PM

Isko Moreno
ISANG anak ang nagpasalamat kay dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa isang caucus na ginanap noong April 10 sa District 4, Maynila.
Sa larawang ibinahagi ni Domagoso sa kanyang Facebook page, makikita siyang may hawak na cellphone na nagpapakita ng mensahe mula sa nasabing anak: “YORME, MARAMING SALAMAT SA GAMOT NA REMDESIVIR. DINUGTUNGAN MO BUHAY NG NANAY KO!”
Ayon kay Domagoso, ang mensaheng ito ay isa lamang sa maraming patunay ng naging epekto ng pamimigay ng gamot ng pamahalaang lungsod noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sinabi rin niya sa kanyang post: “Salamat sa Diyos nakaraos tayo sa pandemyang iyon. Lagi ko ngang sinasabi noon: pumanatag kayo mga Batang Maynila, may gobyerno kayong masasandalan… Kahit mamahaling gamot at mahirap pa hanapin sa buong mundo, bibilhin natin madugtungan lang ang buhay ng tao.”
Baka Bet Mo: Isko Moreno ipinahayag ang malasakit na plano para sa Maynila
Tanging Lungsod ng Maynila lamang, ayon sa dating alkalde, ang nakabili noon ng mga mamahaling gamot laban sa COVID-19 tulad ng Remdesivir, Molnupiravir, Tocilizumab, at iba pa.
Ang mga ito ay ipinamigay nang libre sa lahat ng nangangailangan, residente man ng Maynila o hindi.
Ang post ay umani ng libo-libong reaksyon mula sa mga netizen na nagpahayag ng kanilang pasasalamat at suporta.
Habang papalapit ang halalan sa Mayo, lumalabas sa mga survey na muling nangunguna si dating Mayor Isko Moreno sa pagka-alkalde ng Maynila, na may 74% na suporta mula sa mga botante, ayon sa Octa Research, at sumusuporta rin ang mga resulta mula sa SWS, HKPH, at iba pang mga pananaliksik.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.