Isko Moreno nangakong muling lilinisin ang Maynila

PHOTO: Facebook/Isko Moreno Domagoso
PAGKATAPAK pa lang ng kanyang mga paa sa lungsod, hindi mag-aaksaya ng oras ang Mayoral candidate na si Isko Moreno sa muling paglilinis ng Maynila.
“Unang una po, lilinisin ko ulit ang Maynila,” pahayag ni dating Manila City Mayor na kilala ng mga Manileño bilang “Yorme.”
Si Isko na minsang naging basurero noong kanyang kabataan, ay nangakong lilinisin muli ang mga lansangan ng lungsod habang siya ay naghahanda para sa darating na 2025 midterm elections.
“Aalisin ko ang kadugyutan,” sey niya na binibigyang-diin ang kanyang layuning ibalik ang kalinisan, kaayusan, at kapayapaan sa kabisera ng bansa.
Baka Bet Mo: Isko Moreno bubuksan ang Baseco Hospital; Walk-in sa health centers ibabalik
“Krimen sa Maynila, lilimasin ko: snatching dito, snatching doon. Holdap dito, holdap doon,” dagdag niya, habang ipinapahayag ang kanyang determinasyong labanan ang kriminalidad sa lungsod.
Ang dating alkalde, na kinilala at ginawaran ng iba’t ibang parangal dahil sa maayos niyang pamamahala ay naglahad ng kanyang pangarap para sa isang Maynilang ligtas at payapa.
“Ibabalik ko po uli sa inyo ang kapanatagan ng pamumuhay sa lungsod, tulad nang dati na habang kayo ay natutulog, kasagsagan nang hatinggabi, panatag na panatag kayo, mahimbing na nagpapahinga. May gobyerno pa sa lungsod ng Maynila,” sambit ng dating alkalde.
“We will bring back order in the city. We will bring back certainty in the city. Cleanliness, orderliness, peace and order, we will give it back to you,” dagdag niya.
Bilang dating mayor, nakilala si Isko sa kanyang mabilis na aksyon sa pagsasaayos ng Maynila, kabilang ang paglilinis ng mga lansangan, pagbawi ng pampublikong espasyo, at pagbibigay ng episyenteng serbisyo sa mamamayan.
Sa ilalim ng kanyang administrasyon, naisagawa ang malawakang reporma sa pananalapi at mga programang pangkrisis, tulad ng distance learning program noong pandemya ng COVID-19.
Naglaan din ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng halos ₱1 bilyon upang makabili ng 110,000 tablets para sa mga estudyante at 11,000 laptops para sa mga guro bilang suporta sa online learning.
Pinuri rin ang kanyang administrasyon dahil sa pagpapaganda ng mga lansangan, pagpapabuti ng sistema ng pamamahala ng basura, at pagsasaayos ng mga pampublikong pamilihan at parke.
Kabilang sa kanyang mga proyektong hinangaan ng publiko ang pagpapanumbalik ng mga makasaysayang lugar, tulad ng muling pagsasaayos ng Manila Zoo at ang pagpapailaw sa Jones Bridge.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.