Camille Villar: Mahalaga ang papel ng kababaihan sa pagpapatibay ng PH economy
MULING pinagtibay ni senatorial candidate Camille Villar ang kanyang matibay na suporta sa pagpapalakas ng kababaihan habang nakibahagi siya sa pagdiriwang ng Women’s Month sa Balanga, Bataan nitong Huwebes, March 20.
Bilang pinakabatang kandidato sa halalan sa Senado sa darating na Mayo, nangako si Villar na patuloy niyang ipaglalaban ang mga polisiya na magpoprotekta sa mga karapatan ng kababaihan at lilikha ng mas maraming oportunidad para sa kanila sa lipunan.
Naniniwala si Villar sa prinsipyo na “women lift up economies” o ang kababaihan ang nagpapalakas sa ekonomiya, kaya binigyang-diin niya ang mahalagang papel na ginagampanan ng kababaihan sa paglago at pag-unlad ng bansa.
Sa naturang pagdiriwang, nagbigay din siya ng pagpupugay sa kanyang lola, Nanay Curing, ina ng dating Senate President Manny Villar, na nagmula sa Orani, Bataan.
Baka Bet Mo: Camille Villar nanguna sa pagpapalawak ng bed capacity sa Las Piñas General Hospital
Bilang isang ina, anak, at mambabatas, sinabi ni Villar na nauunawaan niya ang maraming responsibilidad na ginagampanan ng kababaihan, maging sa tahanan o sa trabaho.
“Happy Women’s Month po sa lahat ng ating mga nagsisipagan at naggagandahang kababaihan ngayon dito — lahat ng nanay, lola, auntie, anak, maybahay na walangsawang nagtataguyod ng kani-kanilang pamilya. Ang araw na ito ay isang pagkakataon upang kilalanin ang mga nagawa, lakas, at kontribusyon ng mga kababaihan sa buong mundo,” sey niya.
Muli niyang pinagtibay ang kanyang pangakong bigyang-prayoridad ang kapakanan ng kababaihan sa kanyang mga panukalang batas, upang matiyak na may sapat na programa ang gobyerno para sa kanila.
“Sa akin pong trabaho sa Kongreso ay sinikap kong makapagpasa ng mga batas na susuporta at poprotekta sa kapakanan ng ating mga kababaihan,” dagdag ni Villar.
Bilang kinatawan ng Las Piñas, isinulong ni Villar ang Pregnant Women Welfare Act at ang Equal Maternity Protection Act na naglalayong magbigay ng benepisyo sa mga buntis, lalo na sa sektor ng impormal na ekonomiya.
Isinulong din niya ang mga batas na nagkakaloob ng libreng serbisyong medikal at pagpapa-ospital para sa mahihirap na kababaihan.
Bilang masugid na tagapagtaguyod ng pangangalaga sa kalusugang maternal at reproductive, namahagi si Villar ng maternity kits sa mga kababaihan mula sa low-income households at pinangunahan ang mga programang gaya ng “Nanay Fair” sa Las Piñas.
Ang programang ito ay nagbibigay ng pagsasanay sa kabuhayan, financial coaching, at mga seminar para sa mga ina sa iba’t ibang barangay.
“Prinayoridad ko po ang pagsulong ng mga programang nagtataguyod ng kapakanan ng mga kababaihan, dahil naniniwala ako na kapag empowered po ang kababaihan, maayos po ang pamilya at nagtatagumpay po ang pamilya,” ani Villar.
Dahil sa kanyang matibay na track record sa pagsusulong ng karapatan ng kababaihan, patuloy na isinusulong ni Villar ang mga polisiya na magpapalakas sa papel ng kababaihan sa lipunan at ekonomiya bilang mahahalagang tagapagtaguyod ng pambansang pag-unlad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.