Chavit umatras na sa pagtakbo sa senador: ‘Maaaring magdusa kalusugan ko’
HINDI na itutuloy ng 83-year-old politician na si Chavit Singson ang kanyang pagka-senador sa papalapit na midterm elections.
Ito ay inanunsyo mismo ng senatoriable sa isang talumpati na ibinandera sa kanyang Facebook Livestream.
Ayon sa kanya, ito ay dahil sa kanyang kalusugan na posibleng lumala kung siya’y hindi magpapahinga.
“Mga kaibigan, mahalaga ng maayos ang kalusugan para magpatuloy ako sa pagtulong at magbigay ng saya sa inyong lahat,” sey niya.
Wika pa ni Chavit, “Matapos ang mahabang pag-iisip, ang desisyon ko po, hindi na po ako tutuloy sa aking kandidatura sa Senado.”
Baka Bet Mo: Chavit kay Carlos: Kausapin mo pamilya mo, ‘wag mo na silang pahirapan
Paliwanag ng politician, “Hindi po biro ang kampanya, lalo na ang trabaho ang isang senador, kung talagang magtatrabaho. Ayaw kong ipilit. Ang aking kalusugan ay maaring magdusa.”
Ibinunyag niya na siya ay na-confine sa ospital kamakailan lang dahil sa pneumonia.
Kasalukuyan na raw siyang magaling mula sa sakit, pero pinayuhan pa rin siya ng doktor ng mahabang panahon na pahinga.
“Kaya minabuti kong unahin ko muna ang aking pagpapalakas, upang mas lalo pa akong makatulong at makapaglingkod sa inyong lahat,” saad niya sa speech.
Aniya pa, “Ramdam ko po ang inyong pagmamahal sa akin at inyong patuloy na paniniwala sa akin, ang overwhelming na suporta. Alam ko sa puso ko, panalo na ako.”
Ilan lamang sa mga inihaing proyekto ni Chavit habang nangangampanya ay ang Jeepney Modernization Program.
Sa programang ito, maaaring makakuha ang mga tsuper ng e-jeepney na walang collateral, walang down payment, at walang interest, isang malaking tulong para sa mga manggagawang Pilipino.
Ang isa pa ay ang “Banko ng Masa” na layuning magbigay ng financial access sa bawat Pilipino.
Ito naman ay nagbibigay pag-asa na maabot ng mga kababayan ang financial inclusion, kahit sa pinakamalayong sulok ng bansa.
Pero ang pinakanakakuha ng atensyon ay ang “Chavit 500,” isang Universal Basic Income program na magbibigay ng P500 buwan-buwan sa mga Pilipinong minimum wage earner o mas mababa, simula 18 taong gulang pataas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.