Gary V hindi magreretiro, pero iiwanan na ang titulong ‘Mr. Pure Energy’
WALANG balak mag-retire ang batikang singer na si Gary Valenciano.
‘Yan mismo ang kanyang nilinaw matapos kumalat ang chikang last performance na niya ang upcoming concert sa susunod na buwan.
“One Last Time” kasi ang naging titulo ng kanyang show kaya naging usap-usapan na nagdesisyon na umano si Gary V na tuluyan nang iwan ang music career.
Sa isang interview with showbiz insider na si Ogie Diaz, iginiit ng batikang singer na hindi siya titigil sa pagkanta hangga’t nabubuhay siya.
Ipinaliwang niya pa na nais niya lamang iparating na isang panibagong chapter ang kanyang tatahakin ngayong malapit na siyang maging isang senior citizen.
“‘Yung nakita ang ‘One Last Time,’ alam ko marami ang nagtatanong, ‘Ha? Hindi na siya magpe-perform?’, ‘magre-retire na?’ I did not say I was going to retire. Hindi ako magre-retire,” paglilinaw ng singer.
Sey niya, “Binabanggit ko rin sa tao, basta’t tumitibok pa rin ang pusong ‘to, tuloy-tuloy pa rin. Gagawin at gagawin ko ang lahat ng kailangan kong gawin until this heart no longer beats, that’s it.”
“So this ‘One Last Time’ is 59 years old…At this age, I think it’s time that I will move on to continue with my music but maybe in smaller venues,” lahad niya.
Dito niya rin binanggit na mas gusto nalang niya ang “intimate” performances na may maliit na venue at kaunting audience kaysa sa mga malalaking concert venues.
Sa katunayan nga raw ay magkakaroon pa siya ng concert tour this year at ang target lang nila ay 2,000 audience.
“Is it gonna be the end? No. But it will be the end of something. It will be the end of a chapter. It won’t be the end of a book –chapter lang, then you’ll open up new chapters…so may mga iba pang darating na events sa buhay ko and I am looking forward to it,” sambit ni Gary V.
Sinabi rin niya na dahil sa kanyang edad ay nais na niyang iwan ang titulong “Mr. Pure Energy.”
“I may be Mr. Pure Energy, but I’m also human…I know that it’s time. It’s time for these big concerts, solo, all out, Mr. Pure Energy that has come to an end,” ani niya.
Hindi rin nahiyang aminin ng veteran singer na napapagod at hinihingal na rin talaga siya pagdating sa mga matataas na kanta at tono.
“Minsan pa nga ‘yung mga dati kong kanta na medyo matataas talaga ‘yung boses ko, binababa ko ng konti pagdating sa live. And that’s okay kasi ginagawa pala lahat ng mga foreign acts na nakikita natin, binababa nila ng kahit konti,” chika niya.
Aniya pa, “Iba kasi ‘yung nasa recording studio ka tapos kakantahin mo ‘yung mga matataas na tono, pero pag nagkamali ka, may take 2, may take 3, may take 4…Pero pagdating sa live, wala nang retake ‘yun.”
Ang “One Last Time” concert ni Gary V ay gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa darating na April 26 at 27.
Ito na ang huling pagtatanghal ng singer sa malalaking venues kaya naman almost sold out na ang kanyang tickets.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.