Lolit Solis awang-awa sa sinapit ni Jay Sonza: ‘Sayang talaga, parang itinapon mo ang buhay mo na ang ganda-ganda na sana’
MARAMING nagulat at naawa sa kinahinatnan ng buhay at career ng dating broadcaster at news anchor na si Jay Sonza.
Base sa mga nabasa naming comments sa social media ilang sandali lamang matapos mabalitang inaresto at nakakulong ngayon si Jay sa Quezon City Jail, magkahalong lungkot at pagkaawa raw ang naramdaman nila para rito.
Pero may mga netizens naman ang nagkomento na karma raw ang tawag sa nangyari kay Jay Sonza dahil sa mga pinaggagawa nito noon, lalo na sa pakikisawsaw at pakikialam niya sa mga maiinit na isyu sa showbiz at politika.
Isa sa mga nagulat nang bumandera ang balitang hinuli si Jay dahil sa mga kasong estafa at syndicated illegal-recruitment, ay ang talent manager at dating online host na si Manay Lolit Solis.
View this post on Instagram
Nag-post ang veteran entertainment columnist sa kanyang Instagram ng litrato ni Jay kalakip ang kanyang saloobin tungkol sa kinasasangkutan nitong mga kaso.
“Para naman naawa ako kay Jay Sonza, Salve. Hindi ba nakakaawa na sa dati niyang kinalalagyan, ganyan ang magiging ending niya, sa kulungan.
“Wala akong puwede ireklamo kay Jay Sonza dahil naging mabait siya sa akin nuon, sana naman matulungan siya ng mga dati niyang kasama at kaibigan na puwede tumulong para maayos ang anuman gusot na napasukan niya,” pahayag ni Manay Lolit.
Baka Bet Mo: Cristy tinawag na ‘damage control’ ang interview ni Kylie; naawa kay Jessica Soho
Dagdag pa ng talent manager, nanghihinayang siya sa magandang nasimulan ng dating broadcaster sa mundo ng pamamahayag lalo pa’t isa siya sa mga itinuturing na haligi noon sa news and current affairs.
Pagpapatuloy ni Manay Lolit, “Sayang talaga pag sa ganito lang mapupunta ang buhay mo. Lalo pa nga at ang ganda ng umpisa mo.
“Ipagdasal natin maayos pa ang buhay ni Jay Sonza at kung puwede pa mabalik sa naiwan niyang career.
“Sayang talaga, parang itinapon mo ang buhay mo na ang ganda na sana. Prayers na lang puwede,” ang mensahe pa ng veteran showbiz columnist.
Matatandaang kinumpirma ni NBI Assistant Director Glenn Ricarte na papunta sana sa Hong Kong si Jay at naghihintay ng kanyang flight sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nang kausapin ng mga immigration official.
View this post on Instagram
Matapos ito, hinarang na siya at hindi na pinalabas ng bansa dahil sa pending estafa case na isinampa laban sa kanya.
Bukod dito, nabatid din na meron pa siyang isang active warrant of arrest para naman sa syndicated and large-scale illegal recruitment.
Pagkatapos mai-turn over sa NBI, dinala naman siya sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pamamagitan ng isamg commitment order mula sa Quezon City Regional Trial Court Branch 100.
Sa ngayon ay himas-rehas si Jay Sonza sa Quezon City Jail Ligtas Covid Center Quarantine Facility sa Payatas, Q.C..
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.