Knows n’yo na ba kung paano maiiwasan ang ‘heatstroke’ lalo na ngayong tag-init?
NAGSIMULA na ngayong Marso ang “dry season” o panahon ng tag-init.
Ang ibig sabihin niyan, mas magiging mainit na sa mga darating na araw hanggang Mayo.
Kaya naman ang PAGASA, todo paalala sa publiko na umiwas sa tinatawag na “heat stress” na posibleng magdulot ng “heatstroke.”
Ano ba ang heatstroke?
Ayon sa Department of Health (DOH), isa itong malubhang karamdaman na tumataas ng sobra ang temperatura ng katawan na dulot ng matagal na exposure sa mataas na temperatura.
Ilan sa mga madalas tamaan ng ganitong klaseng sakit ay ‘yung mga taong nagtatrabaho sa ilalim ng araw.
Sa madaling salita, ang heatstroke ay ang pag-o-overheat ng iyong katawan dahil sa matinding init.
Sinabi naman ng PAGASA na ang init na nararamdaman ng katawan ay posibleng masukat sa tinatawag nilang “heat index” na pwedeng makita sa kanilang website.
“Ang init na nararamdaman ng katawan ng tao ay hindi akmang nasusukat gamit lamang ang temperatura ng hangin (air temperature). Ito ay mas tamang naitataya kung isasama ang datos ng alinsangan o halumigmig,” paliwanag ng ahensya.
Base pa sa datos ng weather bureau, magkakaroon ng heat stroke ang isang tao kapag umabot ang heat index ng 33 hanggang 54 degrees celsius.
Ano ba ang madalas na sanhi ng heatstroke?
Sinabi ng DOH na mataas ang insidenteng magka-heatstroke kapag nasa mainit at maalinsangang panahon na may kasamang mabigat na ehersisyo, labis na pagkawala ng tubig sa katawan, at labis na pagkabilad sa araw.
Ano-ano ang mga sintomas ng heatstroke?
Ilan sa mga indikasyon ng nasabing sakit ay ang matinding pagkauhaw, panghihina, pagkabalisa, sakit ng ulo, pagkahilo at pagkawala ng malay.
Sakali namang lumala ang kondisyon ng heatstroke, posibleng maramdaman ang mga sumusunod:
-
Mataas na lagnat
-
Mainit at nanunuyong balat
-
Mabilis na pagtibok ng puso
-
Kombulsyon
-
Diliryo
-
Kawalan ng malay
Paano ba maiiwasan ang heatstroke?
Para maiwasan ang heatstroke, narito ang ilan sa mga madalas ipayo ng PAGASA at DOH:
-
Bawasan ang paglabas ng bahay lalo na sa tanghali.
-
Parating uminom ng tubig.
-
Magsuot ng preskong damit kung lalabas ng bahay (malapad na sumbrero, mahabang manggas na kasuotan).
-
Iwasan ang physical activities kapag tirik ang araw o kung saan pinakamataas ang temperatura.
Ano ang gagawin kapag nakakaranas na ng heatstroke?
Sakaling makaranas ng heatstroke, narito ang mga dapat gawin:
-
Pahigain ang pasyente sa isang malilim na lugar o sa loob ng bahay at ihiga ng nakataas ang binti. Kung may malay, painumin ng malamig na tubig.
-
Tanggalan ng damit, punasan ng malamig na tubig ang katawan, at paypayan.
-
Lagyan ng bolsa de yelo ang kili-kili, pulso, bukung-bukong, at singit.
-
Dalhin agad sa ospital.
Read more:
PAGASA may bagong instrumento upang ma-monitor ang dami ng ulan
‘Gen Z 101’: Mga salitang pak na pak sa mga kabataan ngayon
Tag-init na panahon nagsimula na, inaasahang tatagal hanggang May –PAGASA
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.