Duterte nagdiriwang ng 80th birthday sa ICC Detention Center

PHOTO: Facebook/Rody Duterte
NGAYONG araw, March 28, ang ika-80th birthday ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ito ay kanyang ipagdidiwang habang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa Netherlands.
Sa latest update ni Vice President Sara Duterte na base sa ulat ng INQUIRER, tiniyak niyang nasa mabuting kalagayan ang kanyang ama.
Ibinunyag niya rin na makakasama ng dating pangulong sa kanyang kaarawan ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña at kanilang anak na si Kitty.
Bukod diyan, natanggap na raw ng kanyang ama ang isang bag na puno ng mga damit mula Davao, pati na rin ang paborito nitong sugar-free soft drink.
Baka Bet Mo: TIMELINE: ‘War on Drugs’ ni Duterte hanggang pag-aresto, kaso sa ICC
Nabanggit din ng bise presidente na hinimok niya ang ama na magluto ng sariling pagkain at magsulat ng libro habang nakakulong.
Pero ang sagot daw sa kanya ni Mr. Duterte, “I’m too old to write a book.”
Samantala, sa Pilipinas, nagpatupad ng heightened alert ang mga pulis sa kaarawan ng dating pangulo dahil sa mga kilos-protesta.
Nakatakdang magdaos ng prayer rallies ang kanyang mga tagasuporta upang ipanawagan ang kanyang pagpapalaya, habang ang mga anti-Duterte naman ay magpaparada ng isang mock coffin na may mga larawan ng mga biktima ng anti-drug campaign upang ipanawagan ang hustisya.
Kung matatandaan, noong March 11 nang inaresto si Mr. Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaugnay ng kasong crimes against humanity na isinampa ng ICC.
Sa unang pagkakataon noong March 15, lumabas siya sa korte sa pamamagitan ng video call mula sa detention center sa Scheveningen.
Ang kaso laban sa dating chief executive ay may kaugnayan sa madugong kampanya laban sa droga mula November 2011 hanggang March 2019, kung saan inakusahan siyang “indirect co-perpetrator” sa Oplan Tokhang.
Itinanggi niya ang mga akusasyon, ngunit inamin sa isang pagdinig sa Senado ng Pilipinas noong nakaraang taon na mayroon siyang “death squad” noong siya ay alkalde ng Davao upang labanan ang kriminalidad.
Sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang pangulo, umabot sa mahigit 6,250 ang iniulat na nasawi sa kampanya kontra droga ayon sa Philippine authorities.
Gayunpaman, tinatayang nasa 20,000 hanggang 30,000 ang bilang ng mga nasawi ayon sa mga human rights groups.
Nakatakdang isagawa ang pretrial hearing ng dating pangulo sa September 23 upang alamin kung sapat ang ebidensya at kung itutuloy ang paglilitis sa kanya na maaaring tumagal ng ilang taon.
Kung mapatunayang nagkasala, maaari siyang mahatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo.
May posibilidad din siyang humiling ng pansamantalang paglaya, ngunit tinututulan ito ng mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs.
Samantala, kinuwestiyon ng pamilya Duterte ang legalidad ng pag-aresto sa dating pangulo at ang pagsuko nito sa ICC sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon sa kanila, dapat ay nabigyan siya ng pagkakataong kuwestyunin ito sa korte sa Pilipinas.
Sa nagdaang linggo, binatikos ni Sara Duterte ang militar ng ating bansa sa umano’y hindi pag-aksyon habang inaaresto ang dating pangulo.
Sa isang pahayag noong Huwebes, March 27, iginiit ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang pagiging neutral sa politika.
“Any deviation from this principle would undermine the very democracy we are bound to protect,” sey ng AFP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.