LPA sa Mindanao magpapaulan, pero hindi magiging bagyo –PAGASA

PHOTO: Facebook/DOST-PAGASA
PATULOY na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Low Pressure Area (LPA) na nasa Mindanao.
Ito ay huling namataan sa layong 95 kilometers sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Ayon sa ulat ng weather specialist na si Obet Badrina, asahan na magdadala ito ng mga ulan sa ilang bahagi ng bansa pero ito ay malabong maging isang ganap na bagyo.
“Dahil malapit na rin sa kalupaan ay nakikita natin na mas malaki ‘yung tsansa na ito ay malusaw na lalong-lalo na this coming weekend,” paliwanag niya sa isang press briefing kaninang umaga, March 28.
Baka Bet Mo: Tag-init nagsimula na, asahan mas maalinsangang panahon –PAGASA
Ang LPA ay magdudulot ng kalat-kalat na pag-ulan sa Caraga, Eastern Visayas, Albay, Sorsogon, Masbate, at Catanduanes.
Kaya naman may paalala ang PAGASA sa publiko, lalo na ‘yung maaapektuhan ng sama ng panahon.
“Mag-ingat po ang mga kababayan natin dito sa silangang bahagi ng Mindanao at kabisayaan, gayundin sa Bicol Region [dahil] sa mga potensyal na biglaang pagbaha or flash floods, gayundin ang landslides o pagguho ng lupa,” sey ni Badrina.
At dahil panahon din ng tag-init, sinabi ng weather bureau na patuloy na magiging maalinsangan ang panahon sa iba pang bahagi ng bansa.
“Halos walang masyadong kaulapan kaya patuloy na mainit na panahon ang mararanasan sa araw na ito sa malaking bahagi ng ating kapuluan kaya mag-ingat pa rin sa potensyal na heat stress, heatstroke dulot ng ating mainit na panahon,” wika ng weather specialist.
Patuloy niya, “Gayunpaman, posible pa rin ‘yung mga isolated o pulo-pulong pag-ulan at pagkulog sa ilang bahagi ng ating bansa.”
Dahil sa Easterlies, ang Metro Manila ay posibleng makaranas ng isolated rainshowers o thunderstorms ngayong araw, March 28.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.