SAF 44? Wala yan | Bandera

SAF 44? Wala yan

Lito Bautista - July 31, 2015 - 03:00 AM

SIMULA pa lamang ng buwan na ito ay madalas ko nang isulat ang trato ng commander-in-chief, BS Aquino III, sa SAF 44. Sa Camp Crame, kung saan ko sinimulan ang kuwento, isa lang ang senior officer na hanggang ngayon ay iniiyakan ang masaklap na sinapit ng SAF 44, si Leonardo Espina, na retirado na. Pero, halos lahat ng junior officers sa Crame ay kumukulo pa ang damdamin kontra Aquino. Ang PNPA ay nagpahayag na ng galit kay Aquino.
♦ ♦ ♦
Mahalaga ang Hulyo sa junior officers sa Crame at sa buong PNPA. Pinakahihintay nila ang SONA at umaasa sila na may ihahayag si Aquino para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng SAF 44. Walang inihayag si Aquino para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng SAF 44. Hindi SONA ang binigkas, kundi Story of Noynoy Aquino, na SONA pa rin naman daw. SAF 44? Wala yan. Mas mahalaga pa riyan ang yaya ni Aquino.
♦ ♦ ♦
SAF 44? Wala yan. Kaya hanggang ngayon ay wala pa ang ipinangakong medal of valor. Ipinangako rin sa mga nakaligtas ang pabahay. Tuwang-tuwa ang mga survivor ng massacre. Ang buong akala nila ay libre ang pabahay. Iyon pala’y babawasin sa suweldo nila ang hulog sa pabahay. Kaya’t may mga tumanggi na lamang sa alok ng gobyernong dilaw.
♦ ♦ ♦
Ang motto ng SAF ay Tagaligtas. Hindi pala sila ililigtas ng gobyerno ni Aquino. Bukod sa hindi sila ililigtas, inilibing na sila sa limot, sa nakaraang hindi dapat balikan. Ininsulto pa ni Herminio Coloma ang SAF 44, nang sabihing nasa alaala raw ni Aquino ang matatapang na tropa “hanggang kamatayan.” Ano kamo? May utang na loob pa ang SAF 44 kay Aquino?
♦ ♦ ♦
May junior officers na umaasa kay Ricardo Marquez, na Caviteno, na ipaglalaban ang SAF 44. Teka. May problema. Kung ipaglalaban ni Marquez ang SAF 44 at kinalimutan na ang mga bayani ni Aquino, wala ring magagawa si Marquez. Sa malamang ay baka ganito na nga ang mangyayari, na siya namang tanaw na ng PNPA.
♦ ♦ ♦
Itong si Panfilo Lacson, parang hindi Caviteño. Masama ang loob niya ngayon sa gobyernong tuwid na daan. Ginawa lang siyang dagdag-balita nang hiranging rehab czar, puwestong Gabinete raw pero walang kapangyarihan at pera. Ang Caviteno ay galit na ma-tsubibo. Kapag isinakay ang Caviteno sa tsubibo, at hindi niya ito natunugan sa umpisa, aba’y itinuturing na siya na ang pinakabobo.
♦ ♦ ♦
Ang mga taga-Mindanao, lalo na yung nag-iisip, ay hindi naniniwala sa tuwid na daan, at walang tuwid na daan sa buhay ng sinuman. Kung walang tuwid na daan sa buhay ng sinuman, mas lalong walang tuwid na daan sa buhay ng marami, na nasa gobyerno. Isa lang ang tuwid na daan at iyan ay ang patungong impiyerno, na tinawag nila na “road to perdition.” Pati si Lacson ay napaniwala na may tuwid na daan.
♦ ♦ ♦
Tugon ni DSWD Assistant Secretary Javier R. Jimenez sa aking kolum noong Hulyo 17 (hindi mahihirap ang binigyan ng CCT sa North Caloocan – Camarin, Bagong Silang, Tala, Malaria, San Jose del Monte at Marilao, Bulacan): i-aassess ng DWD ang mga benepisyaryo. Hihintayin ng tunay na mahihirap ang inyong tugon. Alam kong tapat sa mahihirap ang DSWD, di tulad ng konseho estudyante sa Malacanang na kapag idinulog ang problema, tulad ng sa MRT, ang tugon ay “ginagawan na ng paraan.”
♦ ♦ ♦
MULA sa bayan (0906-5709843): Councilor Ledda, bakit tuwing may kailangan kami sa inyo, mahirap kayong hanapin? Nagtatago ba kayo? Lagi raw kayong wala. Out of town daw. Serbisyong totoo lang sana. Toto Caloy, Tacurong Tricycle Association …7480
♦ ♦ ♦
Kawawa kaming mga naka-motor na may pasyente sa Jose Reyes Medical Center. Bawal pumarada ang mga motor at tricycle sa compound ng ospital. Sa bangketa sa labas lang puwedeng iparada ang mga motor at tricycle. Ang parking ay binabantayan lang ng mga tambay na mukhang mga adik at holdaper. May mga naitakbong motor na. …6755

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending