Darryl inilantad nanay, kapatid ni Pepsi Paloma: Tapos na ang pananahimik!
DAHIL sa teaser na inilabas ni Direk Darryl Yap sa kanyang Facebook account ng pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma” ay walang humpay ngayon ang pamba-bash sa kanya.
Maramiing nagalit nang mabanggit ang pangalan ng isa sa original host ng “Eat Bulaga” na si Vic Sotto sa dialogue na binitiwan ni Gina Alajar bilang si Charito Solis.
Maging ang bukod tanging humahanga at nakakakuwentuhan niya ng mga hinaing niya noong kasagsagan ng pelikula niyang “Maid in Malacanang” na si Nanay Cristy Fermin ay galit na galit na rin sa kanya dahil sa ginawa nitong pambabastos kay Vic bilang tao, asawa at ama.
Laging sinasabi ni Direk Darryl sa mga kaibigan niya na kapag napanood ang pelikula ay malalaman sa dulo ang totoo at baka nga raw magpasalamat pa dahil may mga nalinaw na isyung matagal nang ibinaon.
Baka Bet Mo: Cristy kinontra si Darryl Yap: Ano’ng gusto mo, wasakin si Bossing?
Sa madaling salita ay click bait ito at nagtagumpay nga ang direktor dahil trending ito in a bad way dahil halos isumpa na siya at ang iba’y gusto pa siyang ipakulam.
Pinagsabihan ni ‘Nay Cristy si Direk Darryl sa programa nitong “Cristy Ferminute” kasama si Romel Chika kahapon na matuto itong rumespeto sa mga taong nanahimik na, buhay at patay lalo’t hindi naman siya inaano.
May mga nagtanong din kung sino ang nakausap ng direktor para mabuo niya ang kuwento ng “The Rapists of Pepsi Paloma” dahil ilang dekada na itong patay at hindi pa isinilang noon si Direk Darryl.
Kaya ang ending inilabas na ni Direk Darryl kung sino ang nakausap niya para malaman ang buong nangyari base rin ito siyempre sa kuwento ni Pepsi sa kanyang pamilya.
Yes, ang inang si Ginang Lydia at kapatid ni Pepsi na si Zaldy ang nakausap ni Direk Darryl na ibinahagi niya ang mga larawan sa kanyang FB account.
Ang mahabang caption ng direktor, “Sa loob ng 40 taon pinakinggan at pinaniwalaan n’yo na ang mga sikat, mga may pangalan, mga makapangyarihan, mga nagsalitang sila ang may alam, mga nagsabing sila ay kaibigan.
“Ngayon, bigyan natin ng pagkakataon ang Inang nanahimik nang napakatagal na panahon, ang Inang matapos mawalan ng anak ay patuloy na nasasaktan sa mga paratang at panghuhusga.
“Tapos na ang pananahimik ng nakababatang kapatid ni Pepsi, na noo’y 15 years old lamang, kasama ng aktres hanggang sa mismong araw na siya ay natagpuang walang buhay sa loob ng aparador.
“Mananahimik ang Kasinungalinan dahil walang Kamatayan ang Katotohanan.
“Sila naman ang magsasalita,
“Sila naman ang magkukwento.
“PAMILYA. HIGIT SA LAHAT.
“THE RAPISTS OF #PEPSIPALOMA. #TROPP #TROPP2025. CINEMAS FEBRUARY 2025.”
Limang oras palang itong ipinost ng direktor ay trending na agad dahil umabot na ng 1,300 shares, 2,200 comments at 24,000 likes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.