Bato magsusuot ng wig sa pagbisita kay Duterte sa The Hague para ‘di makilala

Rodrigo Duterte at Bato dela Rosa
KINUMPIRMA ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na plano niyang bisitahin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
Kasalukuyang nakapiit si Duterte sa International Criminal Court (ICC) detention center sa The Hague kung saan siya lilitisin kaugnay ng mga nagawa umano niyang “crimes against humanity” dahil sa pagpapatupad ng “Oplan Tokhang.”
Ayon kay Bato, kapag natuloy ang pagpunta niya sa The Netherlands ay magsusuot daw siya ng wig para hindi siya makilala.
Sa interview ng media sa senador ngayong araw, April 3, nabanggit nitong plano talaga niyang mag-apply ng Schengen visa para makabisita kay Duterte sa The Hague.
“Mag-try ako mag-apply ng Schengen visa. Kung isyuhan ako, then maybe, well, kung may pagkakataon, before the elections sana makabisita ako sa kanya. Baka before or after elections,” pahayag ni Dela Rosa.
View this post on Instagram
Natanong din siya kung may balakid o humaharang sa kanya sa pagpunta sa The Hague lalo’t posibleng arestuhin at ikulong na raw siya doon, sagot ni Bato, “Sige lang kung i-detain nila ako du’n.”
Birong hirit pa niya, “Kapag magpunta ako doon sa The Hague, mag-wig ako para hindi nila ako makilala doon.
“Akala n’yo isa lang wig ko? Meron pa akong afro diyan. Tingnan ninyo kapag nag-afro na ako hindi na ako makikilala,” sey pa ng senador.
Matatandaang si Sen. Bato ang nagsilbing chief ng Philippine National Police (PNP) nang ipatupad ni Duterte ang “war on drugs” sa bansa.
Sa isang naunang panayam, sinabi ng tumatakbo uling senador sa darating na May, 2025 elections, balak niyang magtago at hindi sumuko sa ICC kung mag-issue na rin ng warrant of arrest laban sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.