Bato dela Rosa meron pang bantay na 4 na pulis – PNP

Bato dela Rosa
PINABULAANAN ng pambansang-pulisya ang pagbawi sa dalawang police security details ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sinabi ni PNP spokesperson, Brig. Gen. Jean Fajardo, may apat pang police security details si dela Rosa sa kabila ng limitasyon sa dalawa lamang.
Kinumpirma naman ni Fajardo na dalawa sa mga pulis na nagbabantay sa senador ang binawi ngunit aniya nangyari ito noon pang Enero 13 alinsunod sa kautusan ng Commission on Elections (Comelec).
Binanggit ng opisyal ang Comelec Resolution 11067, na patungkol sa election gun control at security personnel sa very important persons o VIPs.
Sa ngayon aniya may apat pang pulis na nagbabantay kay dela Rosa base sa Certificate of Authority mula sa Comelec at mapapawalang-bisa sa darating na Hulyo 11.
Paliwanag pa ni Fajardo na nakasaad sa sertipiko na dalawa lamang dapat ang pulis na nakatalaga kay dela Rosa ngunit ang bilang ay depende sa “threat assessment.”
Kahapon, ibinahagi ni dela Rosa na binawi na sa kanya ang dalawa niyang police security details na nakatalaga sa Davao City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.