Bato hindi magtatago sa ibang bansa: Dito ako mamamatay sa Pilipinas!

Bato dela Rosa at Rodrigo Duterte
TIGAS pa rin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagsasabing na hind siya magpapaaresto sa International Criminal Court (ICC).
Nanindigan ang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na never siyang magpapahuli sakaling maglabas na rin ng arrest warrant ang ICC kaugnay ng pagpapatupad ng “war on drugs” o “Oplan Tokhang” sa Pilipinas.
Sa interview ng isang radio station kahapon, March 22, muling ipinagsigawan ni Dela Rosa na wala siyang planong magpahuli sa nasabing criminal court.
“Hypothetical? Hindi ako magpahuli. Hindi ako sasama. Hindi ako magpahuli,” ang mariing sabi ng senador na naging chief ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng Duterte administration.
Pero ayon kay Dela Rosa, wala raw sa mga plano niya ang lumabas ng Pilipinas at magtago sa ibang bansa. Nangako siyang mananatili sa bansa hanggang sa huling hininga niya.
“Hindi ako lalabas sa aking comfort zone. My comfort zone sa Philippines. Bakit ako pupunta sa ibang bansa? Dito ako sa Pilipinas.
View this post on Instagram
“Dito ako ipinanganak. Dito ako mamamatay sa bansa kong sinilangan,” ang saad ng senador.
Kamakailan, nabalitang kabilang umano ang senador at ang dating hepe ng PNP na si Oscar Albayalde sa mga susunod na aarestuhin ng ICC, matapos ang pagdakip kay former president Duterte, kaugnay ng madugong kampanya nila kontra droga.
Siniguro naman ng Malacañang na nakahanda rin silang makipagtulungan sa ICC sakaling maglabas din ito ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa.
“Pareho pa rin po, hindi po kasi tayo puwedeng mamili. Kung ito po ay ginawa po at nakipag-coordinate, nakipagtulungan tayo sa Interpol.
“Dahil ang dating Pangulo po ang subject po ng warrant of arrest, hindi po tayo puwedeng mamili, wala pong puwedeng special treatment,” ang sabi ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.