Vice Ganda, Ruffa, Mon, Baron inimbitahan sa ‘fake news’ hearing

Ruffa Gutierrez, Mon Confiado, Baron Geisler at Vice Ganda
KABILANG pala sa mga inimbitahan sa naganap na House Tri Committee hearing hinggil sa paglaganap ng fake news sa Pilipinas ang ilang sikat na celebrities.
Base sa mga ulat, kasama sa mga in-invite ng Kongreso para sa naturang pagdinig ay sina Vice Ganda, Baron Geisler, Ruffa Gutierrez at Mon Confiado.
Last Friday, March 21, nagkaroon ng joint inquiry sa Congress ang Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, and Public Information.
Ito’y sa pangunguna ni Santa Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez, na siyang nagsilbing lead chairperson ng Committee on Public Order and Safety.
Hindi nga lang naka-attend ang mga nabanggit na personalidad dahil hindi nagtugma ang kanilang schedule sa naturang hearing, ayon sa isinulat ng veteran entertainment columnist na si Gorgy Rula.
Ani Gorgy, isa siya sa mga napakiusapang makipag-usap sa mga tinukoy na celebrities. Late na nga raw natanggap ni Baron ang imbitasyon kaya nanghinayang siya na hindi nakadalo sa naturang session sa Congress.
View this post on Instagram
Base sa naganap na pagdinig, bukod sa mga government officials, matindi rin ang epekto ng mga fake news sa social media sa mga artista at mga TV personality.
Ilan sa mga nabanggit na celebrities na nabiktima ng fake news base sa research ng House Tri Committee, ay sina Catriona Gray, Angel Locsin, Liza Soberano, Julia Barretto at Gerald Anderson.
Kabilang din sa sa listahan ang mga broadcast journalist na sina Jessica Soho at Atom Araullo at ang mga atleta na sina Hidilyn Diaz at EJ Obiena.
Sa susunod na hearing ng Kongreso ay inaasahang makakadalo na ang nabanggit na personalidad.
Matatandaang sa naganap na pagdinig ay naging sentro ng usapan ang content creator na si Krizette Chu matapos mag-post sa social media na marami umanong miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang planong magre-resign matapos arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y pagpapakita raw nila ng pagkontra sa pagdala kay Duterte sa The Hague, Netherlands, para sa gagawing paglilitis laban sa kanya sa isinampang “crimes against humanity” ng International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni House deputy majorty leader Jude Acidre, na ang pag-post ni Chu sa social media ng “mass resignation” ay isang serious statement na maaaring magsimula ng kaguluhan sa bansa.
Ang advice sa naturang vlogger ng kanyang abogado ay mag-sorry na lang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.