20-anyos patay matapos tagain ng partner dahil hindi pinahiram ng cellphone

TINAGA ng lasing na lalaki ang kanyang 20-anyos na live-in partner nang magkaroon sila umano ng pagtatalo nang dahil sa cellphone.
Patay ang biktima matapos magtamo ng mga sugat sa katawan nang tagain ng partner niyang 27-anyos sa isang barangay sa Zamboanga Sibugay.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo ang magkarelasyon nang hindi umano pahiramin ng biktima ng cellphone ang kanyang ka-live in.
“Lumapit siya sa asawa niya para manghiram ng cellphone, and then, hindi siguro pinahiram, nagkaroon sila ng konting pagtatalo,” sabi ni Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9) spokesperson Shellamie Chang sa panayam ng media.
Sabi pa sa report ng PRO-9, nanggaling umano sa inuman ang suspek nang mangyari ang insidente kaya posibleng lasing din umano ang nagwalang lalaki.
Isa rin sa tinitingnang motibo ng otoridad sa pananaga ay ang umano’y pagseselos ng suspek dahil sa umano’y ka-video call daw ng biktima dahilan kaya hindi niya pinahiram ng cellphone ang partner.
Samantala, tumakas ang suspek matapos ang pananaga sa kanyang kinakasama at kasunod nito, isang kapitbahay din nila ang sinaksak nito.
Ayon kay Chang, “Nagkaroon naman siya ng parang pagtatalo sa kaniyang kapitbahay na lalaki wherein napag-alaman na meron pala silang personal na isyu na prior.
“Nanlaban yung kanyang kapitbahay doon sa ating suspek at tapos nanlaban naman siya, tumakas na yung suspek natin,” dagdag ng opisyal.
Makalipas ang ilang oras, sumuko rin ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong homicide at frustrated homicide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.