2 Grade 8 student patay sa pananaksak ng 3 teenager nang dahil sa ilaw ng CR

MALAGIM ang sinapit ng dalawang Grade 8 student matapos pagsasaksakin ng tatlong teenager sa Las Piñas City nitong nagdaang weekend.
Naisugod pa sa ospital ang mga biktima pero binawian din ng buhay ang mga ito dahil sa tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang madugong insidente sa kahabaan ng Balikatan Street, Barangay CAA sa Las Piñas City nitong April 11, 2025.
Sa inisyal na pagsisiyasat, nabatid na nasa labas daw ng kanilang school ang mga biktima nang maganap ang krimen.
Base sa panayam ng media sa Investigator-On-Case na si PSSg. Neptali Maliclic, bigla na lang daw dumating sa naturang lugat ang mga suspek at walang sabi-sabing inatake at inundayan ng saksak ang mga estudyante.
“Inatake sila suddenly and unexpectedly unang tinamaan yung isa sa mga victim natin (pinsan ng biktima na nagsundo lamang) sa left neck niya lateral neck so naitakbo siya sa hospital but he was… pronounced dead,” pahayag ni Maliclic.
Ayon sa mga imbestigador, nag-away umano ang isa sa mga biktima at ang 15-anyos na Grade-9 student na suspek sa loob ng CR ng kanilang eskwelahan.
Sabi sa report, isang Child in Conflict with the Law (CICL) ang suspek. Ang CICL ay isang menor de edad na minsan nang lumabag sa batas.
“Dahil lang sa ilaw sabi ng isa sa mga witnesses natin, nagkasagutan sila dahil itong isa sa mga biktima pinapatay-sindi yung ilaw.
“So, dahil ang isa sa mga CICL natin ay ahead ng isang taon, probably he felt we were assuming that he felt offended at nagkaroon sila ng sagutan,” pahayag pa ni Maliclic.
Kasunod nito, sa pakikipagtulungan naman ng parents ng mga suspek ay agad silang nai-turn over sa mga otoridad. Hindi pa tiyak kung murder o homicide ang haharaping kaso ng mga menor de edad na suspek.
Pahayag ng isa sa isinukong suspek, “Pinatay po ‘yung ilaw, electric fan, eh may tao po. Nangti-trip po sila. ‘Yung sa isa hindi ko po alam (na nanaksak). Sinuntok ko po ‘yun, tapos sinuntok po ako ng isa, hinawakan po ang damit ko.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.