Camille Villar suportado ng mga pinuno ng Iloilo City sa pagkakandidato sa Senado
NAKAMIT ni Senatorial aspirant Camille Villar ang opisyal na pag-endorso ng mga pangunahing lokal na opisyal ng Iloilo City nitong Biyernes, March 28, sa kanyang pagdalo sa kickoff rally ng Team Uswag sa makasaysayang Iloilo Freedom Grandstand.
Nagpahayag ng pasasalamat si Villar sa liderato ng lungsod, lalo na kay Mayor Jerry Treñas, sa mainit na pagtanggap at suporta.
Sumama siya sa local slate na pinangungunahan ni Mayoral candidate Inday Raisa Treñas at ng re-electionist na si Vice Mayor Jeffrey Ganzon sa kanilang proclamation rally.
“Suportahan naton sang todo todo para sa Senado Camille Villar, #66! Together, we can create positive change!” sey ni Raisa Treñas, habang hinihikayat ang mga botante na suportahan si Villar sa darating na halalan sa Mayo 2025.
Baka Bet Mo: Camille Villar nanguna sa pagpapalawak ng bed capacity sa Las Piñas General Hospital
Nakatanggap rin si Villar ng suporta mula sa Uswag Ilonggo party-list na pinamumunuan ni Rep. James “Jojo” Ang, na nangakong ikakampanya si Villar sa kapwa Ilonggo.
Sa kanyang talumpati, nangako si Villar na itutulak niya ang mga polisiya na nakatuon sa kabuhayan, paglikha ng trabaho, pagtataguyod ng kababaihan, pagkakapantay-pantay ng kasarian, at reporma sa edukasyon.
“Noon pa man, isinusulong ko na po ang mga batas na magtataguyod ng kabuhayan, magbibigay ng trabaho, at magpapaabot ng pangarap na bahay para sa mga Filipino. Ipagpapatuloy ko po yan,” wika ni Villar.
Taglay ang 15 taong karanasan sa pampublikong serbisyo at pribadong sektor, umaasa si Villar na maibibigay niya ang isang bagong pananaw sa Senado.
“Ako po ang maging bagong boses niyo sa Senado… upang matugunan natin ang pangangailangan ng bawat pamilyang Filipino,” aniya.
Bilang pinakabatang tumatakbo sa pagka-senador, nangako si Villar na ipaglalaban niya ang mga pangarap at adhikain ng karaniwang mamamayang Pilipino sa kanyang mga isusulong na batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.