Claire Castro nakipagbardagulan kay VP Sara Duterte: Siya ang nawawala

Claire Castro at Sara Duterte
NAKIPAGBARDAGULAN na rin si Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro kay Vice President Sara Duterte.
Ito’y matapos ihayag ng bise presidente na nasa “road to dumpster” na umano ang Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr..
Kinuwestiyon ni Castro sa kanyang press briefing kahapon, March 26, ang ilang araw nang pananatili ni VP Sara sa The Hague, Netherlands.
Nananatili pa rin doon si dating Pangulong Rodrigo Duterte at naka-detain para sa paglilitis ng kanyang mga kaso sa International Criminal Court o ICC.
”Hindi ba siya ang nawawala sa Pilipinas ngayon?” sabi ni Castro.
“Siguro sinasabi n’ya ‘yan na road to perdition na tayo, bakit? Dahil hindi naman niya nakikita kung ano ang mga ginagawa, proyekto, programa na naisagawa na at naitulong na ng pamahalaan sa taumbayan.
“Dahil malamang hindi siya nanonood ng ating press briefing everyday,” pahayag ni Castro.
View this post on Instagram
Dugtong pa ng PCO Undersecretary, “Hindi ba mas magiging…mapupunta tayo sa dumpster kung ang magiging Pangulo natin o ang magiging leader natin ay ang mga katulad nina VP Sara?
“Mas inuuna pang magpunta sa abroad.
Magsilbi sa isang tao, although tatay n’ya po yun.
“Pero marami pa rin pong Pilipino na umaasa sa kanya bilang Bise Presidente. Mahihirapan po tayong magkaroon ng Pangulo kung lagi pong nasa abroad, hindi po ginagawa ang trabaho dito sa Pilipinas,” aniya pa.
Natanong din si Castro ng media kung dapat na bang bumalik si VP Sara sa Pilipinas, “Obligasyon po niya ang maging Bise Presidente. Alam niya po dapat ang obligasyon bilang Bise Presidente.”
Sa interview ng press sa bise presidente VP Sara sa The Hague, sinabi nito na wala na umano siyang babalikang bansa dahil patapon na raw ang Pilipinas.
“We should be working on our way up, but it seems that we are working to the dumpster. As I said noon, we are on this road to perdition, sinabi ko na ‘yan noon.
“Sa tootoo lang, walang nakikitang hope yung mga tao dahil wala rin silang nakikita mula sa gobyerno,” lahad ni VP Sara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.