Kita ng MMFF 2024 ‘di pa umabot sa P600M; 1 entry humamig lang ng P4M?
TRULILI kaya ang chika na hindi pa umaabot sa P600 million ang kinita ng 10 official entry ng Metro Manila Film Festival 2024?
Ngayong araw sana, January 7, 2025, ang last day ng ika-50 edisyon ng MMFF pero extended ito hanggang sa January 14 pero sa mga piling sinehan lamang.
Nagpasalamat si MMDA at MMFF Chairman Atty. Don Artes sa patuloy na pagsuporta ng mga manonood sa taunang filmfest.
“We, at the MMFF, are overwhelmed with the continued support of the public for the festival’s 50th edition. Due to public clamor, we have decided to extend the theatrical run of the MMFF movies to further showcase the locally produced films that are truly impressive and artistically excellent,” ang pahayag ni Artes.
Dahil sa extension, ang MMFF complimentary passes ay ma-e-extend din hanggang January 14.
Baka Bet Mo: Aktor niloloko ang non-showbiz GF, may lihim na relasyon sa ka-loveteam
Kung ikukumpara raw sa nakaraang MMFF 2023, hindi umano kasinlakas ang filmfest nitong nagdaang 2024.
Sa ngayon ay hindi pa naglalabas ng official announcement ang MMFF executive committee kung anu-ano ang ranking ng mga pelikulang naglalaban-laban sa taunang film festival.
Base sa unofficial result, wala pa sa P600-million mark ang total gross ng 10 pelikulang kalahok sa MMFF 2024 kung saan nasa number one slot pa rin ang pelikula ni Vice Ganda na “And The Breadwinner Is…”.
May mga nakapagsabi pa na ito raw ang pinakamahinang movie ni Vice sa lahat ng kanyang MMFF entries dahil as of January 3, ay nakaka-P270 million pa lang ang “And The Breadwinner Is…”.
Balitang ang nasa second place ng laban ay kumita ng P100 million na pinaniniwalaang ang pelikula nina Vic Sotto at Piolo Pascual na “The Kingdom.”
At trulili rin kaya ang nabalitaan namin na nasa P4 million pa lang ang kinita ng pelikulang nasa ika-10 posisyon?
Well, hintayin na lang natin ang magiging official announcement ng MMFF organizers kung anu-anong entry ang kumita at nangulelat sa takilya.
Samantala, kasado na ang 2nd Manila International Film Festival na magaganap sa California, USA na magsisimula sa January 30 hanggang February 2, 2025.
Bukod sa 10 MMFF 2024 entries ay may iba pang Filipino movies na ipalalabas dito. Magiging opening film ang “Genghis Khan” (1950) na idinirek at pinagbidahan ni Manuel Conde.
Mapapanood din doon ang “Hello, Love, Again”, “Faith Healers”, “A Filipino in America” at marami pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.