Vice Ganda napa-belat nang bumalik si Sofronio Vasquez sa It’s Showtime
NAPA-BELAT (labas dila) ang Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda nang magbalik ang “The Voice USA” Season 66 champion na si Sofronio Vasquez sa “It’s Showtime.”
Ito’y bilang pagresbak ng TV host-comedian sa lahat ng nangnega at nam-bash sa kanilang noontime show nang batiin nila si Sofronio sa pagkapanalo sa naturang reality singing competition sa Amerika.
Naging special guest ng “It’s Showtime” si Sofronio kamakailan para sa isang pangmalakasang opening number na nagsilbi ring homecoming event ng programa para sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
Nag-perform ang Pinoy pride kasama ang mga Kapamilya artists na sina Darren Espanto, Nyoy Volante, Klarisse De Guzman at Yeng Constantino. Nakasama rin niya ng ilang nag-champion sa “Tawag ng Tanghalan” kung saan siya nagsimula.
Baka Bet Mo: Sofronio Vasquez: Ang ‘It’s Showtime’ ang unang naniwala sa akin!
Palakpakan at hiyawan ang audience nang kantahin na ni Sofronio ang kanyang winning piece sa “The Voice USA” na “A Million Dreams”, ang isa sa mga soundtrack ng Hollywood film na “The Greatest Showman.”
View this post on Instagram
Pagkatapos nito ay ininterbyu na siya nina Vhong Navarro at Vice Ganda. Nag-thank you si Vhong kay Sofronio dahil tinupad nito ang pangakong sa “TNT” siya unang maggu-guest pag-uwi ng bansa.
Dito nga sinabi ni Sofronio na tumatanaw siya ng utang na loob sa noontime show ng ABS-CBN kung saan siya nagsimula. Nabanggit din niya na binigyan siya ng “It’s Showtime” ng trabaho bilang voice coach ng “TNT” contestants.
Sabi naman ni Vice Ganda, noong magwagi si Sofronio sa “The Voice” ay maraming nam-bash sa “Showtime” dahil “inangkin” daw nila ang singer porke nagtagumpay ito sa nasabing international competition.
“Ang daming nagtalakan sa Showtime sa Twitter, ‘Ngayon pinapansin n’yo si Sofronio,’ ‘Ngayon inaangkin n’yo si Sofronio kung maka-our very own kayo diyan,'” chika ni Vice.
Sabi naman ni Sofronio, “Hindi naman po nila alam na hindi naman po tumigil ‘yong pangarap ko sa competition, ‘yong Showtime po ‘yong mismong nagbigay sa akin ng trabaho, ginawa po nila akong vocal coach kaya maraming salamat po.”
“Yes, after niya mag-TNT, kahit hindi siya nagtagumpay dito, he stayed. Naging vocal coach siya ng mga contestant sa Tawag ng Tanghalan. Hindi ninyo alam ‘yon, kaya talagang pamilya siya, kaya…” ang pahayag naman ni Vice sabay belat on national TV.
“Pinag-awayan nila ‘yan online!” sey uli ng komedyante sabay labas uli ng dila.
“We are very proud that you are part of this family, we love you very much!” ang pagbati uli ni Vice kay Sofronio.
Kasunod nito, iniabot naman ni Ogie Alcasid kay Sofronio ang isang tropeo na mula sa OPM artists, dahil sa karangalang ibinigay niya sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.