Halloween 2024: Glydel Mercado ipinakulam, gustong patayin
HOLLOWEEN na naman kaya panahon na naman ng katatakutan. Kanya-kanya na naman ng kuwentuhan tungkol sa mga ghost and horror stories.
Dito sa BANDERA, magse-share kami sa inyo ng mga nakakalokang karanasan ng ilang celebrities na may konek sa iba’t ibang klase ng elemento at espiritu na kasama nating naninirahan sa mundo.
Unahin na natin ang naging experience ng award-winning actress na si Glydel Mercado sa kulam. Ito pala ang dahilan kung bakit biglang bumagsak ang kanyang katawan at nangayayat nang todo ilang taon na ngayon ang nakararaan.
Ayon sa isang website, ang kulam ay isang uri ng mahika o salamangka na ginagamit, sa pamamagitan ng orasyon, ritwal, at iba pang paraan, upang makapagdulot ng pinsala, sakit, o pagkontrol sa isang tao.
Kuwento ni Glydel, nagsimula raw ang lahat ng mawalan ng ganang kumain ang asawa ng aktor na si Tonton Gutierrez. Kumonsulta naman daw agad siya sa doktor para malaman ang tunay niyang karamdaman.
Baka Bet Mo: Kim muntik nang mag-quit sa showbiz dahil sa sampal ni Glydel: Krayola talaga ‘ko!
Ngunit base sa resulta ng isinagawang medical test sa kanya ay wala naman daw problema sa kanyang kalusugan kaya nagtataka ang aktres kung bakit wala siyang ganang kumain.
Hanggang sa magkaroon na nga siya ng palpitation, anxiety attacks at fear of food. At dahil sa patuloy na pagtanggi ng katawan niya sa pagkain, nalaglag ang timbang niya sa 90 pounds.
Naisipan daw ni Glydel na magpasama na sa husband niyang si Tonton Gutierrez sa isang albularyo o faith healer para ikonsulta ang kanyang nakababahalang kundisyon.
Isinailalim ng albularyo sa tawas ang aktres at ang resulta – may dalawa raw taong nagpapahirap sa kanya at isa raw dito ay kapamilya pa niya. Baka raw ang mga ito ang nagpakulam sa kanya.
Malakas ang kutob ni Glydel na posibleng ang sinasabi ng albularyo ay ang kaanak niya na hindi niya natulungan.
“After ng taping ko for ‘Artikulo/247’ (ng GMA 7), nagkaroon ako ng palpitation, anxiety attacks at fear of food. Kapag sinasabing kakain na, nanginginig na ako tapos umiiyak ako habang kumakain.
“Nagpa-executive check-up ako kasi sabi ko kay Ton iba na ang nararamdaman ko. Three days ako na-confine sa hospital. Lahat ginawa sa akin at okay daw ako.
“Sabi ko, ‘Doc hindi puwedeng okay kasi may nararamdaman ako.’ Ang ginawa nila pinabalik ako sa psychiatrist ko. After ng doctor, nagpatawas ako. Naniniwala kasi ako sa tawas,” ang simulang rebelasyon ni Glydel.
Patuloy ng aktres, “After one week, may palpitation na ako during the taping. In May after ma-confine, pagkagising nag-palpitate agad ako. So nagpatawas agad ako. Sila ang lumabas at dalawa sila. Nagpatulong sila sa isang matabang babae na hindi ko maintindihan.
“Every Tuesday and Friday ang session namin noon so naka-red ako. May pangkontra ako sa bulsa. Ganu’n pa rin nanginginig ako. Then parang nakausap ng albularyo ko at ang gusto nila buhay ko ang kapalit.
“Oh my God! Buong buhay ko tinulungan ko sila tapos ganu’n lang ang gusto nilang gawin sa akin? Hindi talaga ako makapaniwala nu’ng una na sila yun.
“Seven Fridays and seven Tuesdays yun. Noong last Friday ko, tapos na lahat ang rituals, nagulat ako noong November, namatay siya (kamag-anak na nagpakulam sa kanya).
“Ipinagdasal ko pa rin siya dahil kamag-anak ko siya. Ang ginawa kasi ng albularyo ko, ibinalik sa kanila.
“Sabi ko naman noon ayokong ibalik, gusto ko lang gumaling. Eh, nagalit yung albularyo ko kasi lumalaban daw. Gusto nila talaga akong mamatay.
“After that, bigla na lang akong ginanahan kumain. Parang nagdahilan lang talaga,” kuwento pa ni Glydel.
Dugtong pa niya, “So, inalam namin paano namatay. Ang sabi kumain lang daw, natulog tapos hindi na nagising. Sabi ko at least hindi siya nahirapan.
“Noong buhay pa ang daddy ko, tinulungan sila noon, mga 12 years old pa lang ako noon. Tapos noong namatay ang daddy ko, iniwan nila kami. Bumalik sila noong artista na ako kasi siguro alam nila may pera na ako.
“Talagang affected ako noon at hindi ako tumanggap ng trabaho for nine months. Sabi nga noong doctor, ‘ang taas na ng binibigay kong dosage bakit walang epekto?’
“Si Tonton sinamahan niya ako sa hospital, doon din siya natulog. Naniniwala kami sa tawas kasi kapag yung mga anak namin may nararamdaman, pinapatawas din namin. Kaya ang daming nagtataka bakit daw ako ganu’n kapayat,” sabi pa ni Glydel.
Makalipas ang ilang araw mula nang magpatawas siya sa albularyo ay totally “healed” na raw siya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.