Donation ni KRIS sa mga taga-Ormoc mula sa sariling bulsa, di galing sa pagnanakaw
Sa lahat ng mga personalidad ngayon ay ang posisyon ni Kris Aquino ang pinakasensitibo kapag may nagaganap na kalamidad sa ating bayan.
Kapatid kasi niya ang pangulo, kaya magbigay man siya ng ayuda sa mga sinalanta nating kababayan ay isa lang ang sasabihin ng mas nakararami, dapat lang siyang magbigay at tumulong.
Parang utang na loob pa ni Kris sa taumbayan ang mga pagtulong na ginagawa niya, parang siya pa ang dapat magpasalamat sa pagpapairal niya ng kagandahan ng puso, dahil kapatid nga niya ang tagapamuno ng ating bayan.
Nawawalan ng saysay ang kanyang pagtulong dahil parang obligasyong itinuturing ng iba ang ginagawa niyang pagsuporta, parang hindi na naiisip ng iba na perang pinaghirapan ‘yun ni Kris, hindi naman perang ninakaw lang niya sa kaban ng yaman ng ating bayan.
Nagpadala siya ng tulong kay Congresswoman Lucy Torres-Gomez, sa sobrang katuwaan ay ipinost ‘yun ni Richard Gomez, inilabas nito ang mismong tsekeng ipinadala ng aktres-TV host sa kanyang misis.
‘Yun na! Nagkawagan na ang dila ng ibang kababayan natin sa pagsasabing napakayabang daw ni Kris, ang ginagawa raw ng kanyang kaliwang kamay ay ipinaaalam pa niya sa kanan, napakaraming tinanggap na masasakit na salita ni Kris nang dahil du’n.
Nakakalungkot lang dahil kusa na ngang nag-abot ng suporta si Kris para sa mga kababayan natin sa Kabisayaan na nagdarahop ngayon ay siya pa ang napasama, siya pa ang napagbintangang mayabang, samantalang hindi naman siya ang naglabas ng tsekeng ipinadala niya kay Cong. Lucy?
Kumanan at kumaliwa si Kris Aquino ay may nasasabi pa rin ang ibang tao. Napakalungkot nga naman sa itaas. It’s lonely at the top.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.