2 LPA malapit sa bansa binabantayan ng PAGASA, magiging bagyo kaya?
DALAWANG Low Pressure Area (LPA) ang kasalukuyang binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa report ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong araw, September 8, ang isa ay nasa bandang Extreme Northern Luzon, habang ang isa pa ay nasa silangang bahagi ng Mindanao.
“Itong parehong LPA na ito ay hindi natin inaalis yung posibilidad na maging isang bagyo sa mga susunod na araw,” sey ni Weather Specialist Grace Castañeda.
Baka Bet Mo: Epekto ng El Niño sa bansa natapos na, ayon sa PAGASA
Paliwanag niya, “Ngunit within 24 hours, nanatiling mababa ang tsansa nito ma-develop at ayon sa ating latest analysis, wala rin itong direct effect sa anumang bahagi ng bansa.”
Nabanggit din ng weather bureau na habang papalapit sa ating bansa ang LPA sa may Mindanao, inaasahang papalakasin nito ang epekto ng Southwest Monsoon o Hanging Habagat.
“Itong LPA sa may silangan ng Mindanao, kapag ito ay lumapit sa ating PAR ay posible din nyang slightly mahila itong habagat kung saan, posible, by second half of this week ay magdulot naman ng mataas na tsansa ng pag-ulan sa may western section ng Visayas at Mindanao,” saad ni Castañeda.
Base sa weather bulletin ngayong araw, ang Habagat ay nagdudulot ng kalat-kalat na pag-ulan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Batanes, at Babuyan Islands.
Isolated rains naman ang asahan sa Metro Manila at sa nalalabing lugar ng Luzon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.