Paring galit na galit sa Palaspas vendor viral, parokya nag-sorry
USAP-USAPAN ngayon sa social media ang video clip kung saan makikita ang isang paring galit na galit habang pinapaalis ang nagtitinda sa kanilang simbahan.
Naganap ang pangyayari noong Linggo, April 13, St. Francis of Assisi Parish sa Cainta, Rizal.
Mapapanood sa naturang video ang paglapit ng pari na galit at sumisigaw sa babaeng tindera ng palaspas.
Baka Bet Mo: Semana Santa 2025: 7 ‘pamahiin’ ng mga Pinoy na buhay na buhay pa rin
“Amin ito, may karapatan kami. Doon kayo sa labas,” giit ng pari.
View this post on Instagram
Sagot naman ng tindera, matagal na silang nagtitinda sa loob ng simbahan.
“Wala akong pakialam kung matagal na, labas! Kanina ko pang umaga sinabi ‘yan, wala rito sa loob,” sabi pa ng pari.
Naglabas naman ng pahayag ang Parokya ng St. Francis of Assisi kaugnay sa nag-viral na video sa bakuran ng kanilang simbahan.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay humingi ng tawad ang parokya sa mga nasaktan at nadismaya sa inasal ng pari sa video.
“Nauunawaan po namin ang damdaming dulot nito, lalo na sa mga may malalim na pagmamahal sa Simbahan at sa mga lingkod nito,” saad ng parokya.
“Gayunman, nais naming linawin na ang video na kumakalat ay hindi buo at may kinikilingang pananaw. Hindi nito ipinapakita ang mga pangyayaring naganap bago ang nakuhanang video.”
Nilinaw rin nila na nauna nang magbigay ng paalala na ang mga opisyal ng parokya na ipinagbabawal ang pagbenta sa bakuran ng simbahan bilang pagrespeto sa banal na lugar.
“Sa kabila nito, nagkaroon ng pagtatalo kung saan may hindi kanais-nais na salitang ibinato sa pari -ito po ang bahaging hindi naipakita sa naturang video,” pagbabahagi pa nila.
Hindi rin naman nila kinukunsinti ang ginawa ng pari pero sana raw ay intindihin at alamin muna ang buong pangyayari at huwag basta basta magre-react sa isang bagay lalo na’t putol ang video.
Marami naman sa mga netizens ang nakisimpatya sa pari dahil kahit sa Bibliya ay nakasulat na kahit si Hesus ay pinaalis ang mga nagtitinda sa loob ng templo dahil ito ay bahay dasalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.