Bakit nga ba dumami ang adopted kids ni Nora Aunor?

Nora Aunor at ang kanyang mga anak na sina Lotlot, Ian, Matet, Kiko at Kenneth de Leon
HINDI man nanggaling sa kanyang sinapupunan, itinuring talagang tunay na mga anak ni Superstar Nora Aunor ang kanyang adopted children.
Abot-langit ang pasasalamat ng magkakapatid na Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth de Leon kay Ate Guy sa pag-aalaga at pagpapalaki sa kanila nang maayos kahit nga hindi sila mga tunay na anak.
Si Ian de Leon lamang ang biological child ni Ate Guy kat Christopher de Leon.
Ayon sa magkakapatid, pantay-pantay ang pagmamahal sa kanila ni Nora at kahit kailan ay never nilang naramdaman na sila’y adopted.
Sa panayam ng “Kapuso Mo Jessica Soho” (KMJS) nitong nagdaang Linggo, April 20, sa Heritage Park, Taguig City kung saan nakaburol ang National Artist for Film and Broadcast Arts, hiningan sina Lotlot ng reaksyon tungkol sa mga naging pahayag noon ni Ate Guy tungkol sa kanilang magkakapatid.
Nagpaliwanag ang Superstar kung bakit marami siyang adoptive kids, “Dinadala po sila sa bahay. Yung mga tao, lalung-lalo na yung mga bata na dinadala sa iyo, magi-guilty ka kung hindi mo tatanggapin.
“Kasi kung mabalitaan, kunwari, hindi mo tinanggap, at nabalitaan mo na hindi maganda yung nangyari sa mga bata, para bang konsensiya mo na bakit hindi mo tinanggap, na kahit paano ay makakatulong ka nang malaki para sa kanila,” sabi ng iconic actress at singer.
Reaksyon ni Matet, “Sa mga mahilig na tumawag sa amin ng ‘ampon.'”
View this post on Instagram
Sey naman ni Lotlot, “Ampon ba tayo? Hindi naman, ah. Si Ian ang ampon.”
Pagpapatuloy na paliwanag ni Matet, “Ayaw na ayaw po niya (na sinasabihan kaming ampon). Never po niyang ipinaramdam sa amin iyan. Nalaman po kasi naming ampon kami from the helpers.
“Twelve (years old) po ako nu’n. ‘Matet,’ pinatawag ako, ‘Si Kuya (Ian), anak ni Mommy, pero tayo (Lotlot, Kiko, Kenneth) ay anak niya sa heart. Pasalamat ako kay Mommy kasi kung hindi ho sa kanya, hindi ko sila kapatid,” aniya pa.
Ang tanong naman daw ni Lotlot kay Ate Guy nang malaman niyang hindi si Nora ang tunay na ina, “Bakit si Ian lang ang galing sa tiyan mo? Bakit ako hindi? Gusto ko, ako din.”
Sagot daw ni Nora sa kanya, “Ikaw, galing ka sa Panginoon, bigay ka sa akin. Si Ian, siya lang yung pinagbuntis ko.”
Sabi naman ni Ian, “Ako naman, nasaktan, ‘Bakit hindi tayo pare-pareho?’ Kasi love na love ko Ate ko, e. Talagang siya yung laging kadikit ko.
“So kinimkim ko iyon, pero parang there was parang lingering feeling na I’m very thankful na naging ate ko siya,” aniya pa.
“Matet came along, Kiko, and Kenneth. Dumarami kami, may mga kalaro na ako. May nabu-bully na ako, may napagti-trip-an na ako,” biro ni Ian.
“Pero hindi, sobrang thankful ako kay God na naging part ako ng mga buhay nila through our mom,” sabi ng aktor.
Ito naman ang message ni Ian sa pinakamamahal na ina, “Ma, till we meet again. I love you and always remember this is not a loss for everyone but a gain in heaven.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.