Semana Santa 2025: 7 ‘pamahiin’ ng mga Pinoy na buhay na buhay pa rin
HABANG ang iba ay abala sa pagre-reflect, pagpe-penitensya o simpleng pagbabakasyon, hindi pa rin nawawala sa mga Pinoy ang mga pamahiin tuwing Semana Santa na naging bahagi na ng ating kultura.
Hanggang ngayon, marami pa rin ang sumusunod sa mga ito para iwas malas, iwas aksidente, at bilang respeto na rin sa banal na okasyon.
Dahil diyan, inilista ng BANDERA ang ilang pamahiin na patuloy pa ring ginagawa tuwing Holy Week:
Bawal maligo tuwing Biyernes Santo
Pinaniniwalaang “patay ang Diyos” sa Biyernes Santo kaya walang basbas ang tubig.
Baka Bet Mo: Semana Santa 2025: Visita Iglesia, penitensiya, road trip ng mga stars
Delikado raw maligo at mag-swimming dahil baka makapitan ng sakit o aksidenteng malunod.
Bawal mag-ingay o mag-party
Ang Huwebes Santo hanggang Sabado de Gloria ay panahon ng katahimikan at pagninilay.
Hindi raw nararapat ang kasiyahan, tugtugan, o malalakas na tunog sa mga araw na ito.
Bawal gumamit ng matutulis na bagay
Ayon sa paniniwala, ang paggamit ng mga bagay na maaaring makasugat tulad ng pako, karayom o gunting ay bawal.
Kapag nasugatan ka raw, mahirap gumaling dahil “banal ang dugo” tuwing Biyernes Santo.
Bawal lumabas ng bahay sa Biyernes Santo
Pagsapit ng 3 p.m. tuwing Good Friday ay ang oras ng pagkamatay ni Hesukristo, ayon sa paniniwala ng simbahan.
Pinaniniwalaang malas lumabas sa ganitong oras at baka may masamang mangyari.
Bawal magtrabaho, maglaba o maglinis
Panahon ito ng pahinga at pagninilay, kaya hindi raw dapat abalahin ang sarili sa gawaing bahay o kahit anong trabaho.
Bawal kumain ng karne
Isang religious tradition ang pag-iwas sa karne tuwing Biyernes Santo bilang sakripisyo.
Kapalit nito ay pagkain ng gulay, isda, at munggo.
Hindi dapat maligo sa dagat o ilog
Maliban sa pamahiing bawal maligo, partikular din ang babala sa dagat at ilog.
Marami raw masasamang espiritu o engkantong aktibo sa mga lugar na ito kapag banal na araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.