Mga kaso ng karahasan laban sa bata’t kababaihan hindi pwedeng maareglo
MARIING ipinaalala ng “CIA with BA” na hindi dapat balewalain kung may nangyayaring karahasan laban sa mga kabataan at kababaihan.
Sa segment na “Yes or No” na ipinalabas nitong Linggo, May 5, tanong ni Aya ng Mariteam, “Maaari po bang maareglo ang violence against women and children o VAWC sa barangay o sa korte?”
Agad na tumugon si Sen. Alan Peter Cayetano ng mariin na “No.”
Baka Bet Mo: Boy, Alan, Pia tuluy-tuloy pa rin ang pagtulong at pagbibigay ng legal advice sa ‘CIA with BA’ season 3
“Maraming dahilan,” paliwanag niya. “Ang isang dahilan nga, aside from it’s a crime, is that alam natin na if you sweep that under the rug, tuluy-tuloy lang na mangyayari ito.”
Ginamit naman ni Sen. Pia Cayetano ang mga pag-aaway ng mag-asawa bilang halimbawa upang ilahad ang karaniwang kaisipan kaugnay nito.
“Dati kasi, at nangyayari pa rin ngayon, ang pangkaraniwan na reaksyon ng kahit barangay man ‘yon or sabihin na nating leader ng community, ‘ah, away mag-asawa lang ‘yan.'”
“Pero sinabi ng batas na ‘pag may alam kayong ganyan, kailangan niyong tulungan ‘yung babae—ilayo niyo—o ‘yung anak o kung sino man because it affects the community, it affects the human life,” sabi ng senadora.
“Anumang ‘di pagkakaunawaan, anumang katanungan, anumang bagay na nangangailangan ng kalinawan, makakaasa kayong patuloy nating aaksyunan dahil para sa amin nina Kuya Alan at Ate Pia, gabay natin ang batas para itama ang mga mali at tulungan ang mga naaapi,” ang pahayag naman ni Boy Abunda.
Baka Bet Mo: ‘Christmas In Action’ ng ‘CIA with BA’ nakatulong na may pa-free concert pa
“At sa patuloy nating pag-aksyon, makakaasa kayong bukal sa aming puso ang pagtulong,” dagdag ng TV host.
Pinangungunahan nina Alan, Pia, at Boy Abunda, ang “CIA with BA” ay napapanood tuwing Linggo ng 11 p.m. sa GMA 7, at may replay sa GTV tuwing Sabado ng 10:30 p.m..
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.