Pwede bang papasukin sa work ang nanay kahit naka-maternity leave pa?

Alan Peter Cayetano at Boy Abunda
BILANG paggunita sa Women’s Month, inilaan ng “CIA with BA” ang bahagi ng kanilang programa upang talakayin ang mga isyung madalas na kinakaharap ng kababaihan.
Sa segment na “Tanong ng Pilipino,” binigyan ng pagkakataon ang mga manonood na magtanong tungkol sa mga karapatan ng kababaihan, lalo na sa larangan ng trabaho at usaping pampamilya.
Nagbigay ng legal na paliwanag si Sen. Alan Peter Cayetano, kasama ang King of Talk na si Boy Abunda.
Isa sa mga katanungan ay mula kay Judelyn, “Pwede bang papasukin sa trabaho ang isang babae kahit hindi pa tapos ang kanyang maternity leave?”
Sagot ni Sen. Alan, “Bawal papasukin ang isang babae na nasa maternity leave pa hangga’t hindi natatapos ang tuluy-tuloy at hindi napuputol na 105 araw. ‘Yan ay base sa agham at kalusugan ng babae pati na rin sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Halimbawa, kung 90 araw pa lang at sinabihan siya ng kanyang boss na pumasok na, maaapektuhan po ‘yung kanilang pamilya at kalusugan,” paliwanag pa niya.
“Pero kung mismong nanay o babae ang gustong pumasok matapos ang ilang araw, maaari naman po ‘yon. Pero hindi siya puwedeng pilitin ng kanyang boss o kumpanya bago matapos ang maternity leave,” dagdag pa ng senador.
Isa pang katanungan ay mula kay Lisa, “May karapatan ba ang isang single mother na hindi isulat ang pangalan ng tatay sa birth certificate ng bata?”
“Sa batas natin sa Civil Registry, wala namang nag-oobliga sa iyo o nagsasabing dapat ilagay ang pangalan (ng tatay) doon,” paliwanag ni Sen. Alan.
“Hindi naman natin kinukwestyon ang intensyon ng nanay kung ano ang pinakamabuti, pero kung pantay-pantay ang lahat ng bagay at susundin ang batas, at wala namang problema, mas magandang ilagay din doon para sa record.
“Kasi at least alam ng bata kung sino ang kanyang ama, lalo na kung hindi naman ito itinatanggi ng tatay,” payo niya.
Itinampok sa episode na ito ang kahalagahan ng pagkilala at pag-unawa sa mga karapatan ng kababaihan, lalo na sa usaping legal at trabaho.
Sa pamamagitan ng pagsagot sa mga totoong katanungan ng mga manonood, patuloy na nagsisilbing plataporma ang “CIA with BA” para sa serbisyong publiko at legal na edukasyon.
Ang diskusyong ito ay nagsilbing paalala na may mga batas na naglalayong protektahan ang kapakanan ng kababaihan, at ang kaalaman sa mga karapatang ito ay susi upang masigurong ito ay naipapatupad.
Ang programa ay nagpapatuloy sa legasiya ng yumaong Sen. Rene Cayetano at mapapanood tuwing Linggo, 11 p.m. sa GMA 7, na may replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m..
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.