#WalangPasok: January 9 idineklarang non-working holiday sa Maynila
BILANG paggunita ng pista ng Itim na Nazareno, idineklara ang January 9 bilang special non-working holiday sa lungsod ng Maynila.
Ibig sabihin niyan, sa Maynila lamang ang walang pasok.
Ang nabanggit na holiday ay idineklara ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa ilalim ng Proclamation 434.
“I, Lucas Bersamin, Executive Secretary, by authority of the President, Ferdinand R. Marcos, JR., do hereby declare Tuesday, 09 January 2024, a special (non-working) day in the City of Manila,” saad sa kautusan.
Lahad pa, “It is but fitting and proper that the people of the City of Manila be given full opportunity to participate in the occasion and enjoy the celebration.”
Baka Bet Mo: LIST: Mga #WalangPasok sa taong 2024 dahil sa ‘regular holidays’, ‘non-working holidays’
Magugunita na ito ang kauna-unahang pagkakataon na muling pinayagan ang prusisyon ng Black Nazarene o ‘yung tinatawag nating “Traslacion” makalipas ang tatlong taon na pagkakasuspinde nito dahil sa COVID-19 pandemic.
Kamakailan lang, nakiusap ang Quiapo church sa mga deboto na kung maaari ay huwag nang sampahan o akyatin ang andas ng life-size religious icon.
Bagkus, ibigay na lamang ang mga panyo sa mga nakasakay at nagbabantay ng karwahe upang sila na lamang ang magpupunas ng kanilang panyo sa imahe.
Nanawagan din ang simbahan na pagdating sa paghila ng lubid na kung saan ay dapat magbigayan na lamang at magpalitan sa paghawak nito upang walang masasaktan.
Pinaalalahanan din ng Quiapo church ang mga deboto na huwag nang magdala ng mga backpack at bote ng tubig, maliban na lamang kung ito ay mga transparent.
Ang inaasahanng dami ng tao na dadalo sa “Traslacion” ay aabot sa 2.5 million, batay na rin ito sa huling engrandeng prusisyon noong 2020.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.