Coco muling nakilahok Pista Ng Itim na Nazareno, isinabay na ang taping para sa ‘Batang Quiapo’
SA pilot episode kaya ng teleseryeng “FPJ’s Batang Quiapo” na pagbibidahan ni Coco Martin ipalalabas ang kinunang kaganapan sa katatapos na Pista ng Itim na Nazareno kahapon, Enero 9?
Itinapat nina Coco at Direk Malu Sevilla ang first taping day ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa Pista ng Itim na Nazareno base sa in-upload na video sa Coco Martin PH YouTube channel kagabi.
Madilim pa lang ay nasa Quiapo na ang Team “FPJBQ” para makunan ang lahat ng nangyayari.
Bago gumiling ang kamera ay nanalangin muna ang grupo ni Coco na gabayan sila sa kanilang first taping day na maging smooth ang lahat at para sa mga taong matutulungan ng programa.
Humalo sina Coco sa mga taong naghahagis ng panyo o towel para ipunas sa Nazareno na hindi siya napansin dahil naka-bucket hat ang aktor at naka-facemask ng itim na halos mata lang ang kita at iisa ang suot nilang damit, kulay maroon na may nakalagay na, “Hesus Nazareno.”
View this post on Instagram
Sa kalsada na rin sila nakinig ng misa dahil puno na ang Quiapo Church. Kinunan din ang maraming taong nakaupo at ‘yung iba ay nakahiga sa gilid ng kalsada habang hinihintay ang paglabas ng imahen ng Black Nazarene.
Hindi namin mabilang kung ilang handheld camera ang ginamit dahil kalat ang mga tao ni Coco na bawa’t sulok ay kinukunan habang ang nagsasabi ng mga kukunan ay nasa itaas ng tulay gamit ang walkie-talkie radio at may kasama ring cameraman.
Sa bawa’t nakukunan ay pinapa-check sa direktor-aktor at nagpapadagdag siya ng shot base sa gusto niyang anggulo.
“Gumising kaming maaga para talaga ma-cover namin at masaksihan talaga namin ang tunay na nangyayari sa Pista ng Quiapo,” bungad na kuwento ni Coco katabi si direk Malu na parehong namamaga ang mga mata na halatang walang mga tulog.
Nagpasalamat din ang ibang production staff ni Coco dahil successful ang ginawa nilang shoot ng aktwal na pangyayari.
Putok na ang araw ay nasa gitna pa rin ng kalsada sina Coco para sa mga eksenang kukunan tulad ng Ati-atihan sa maliliit na kalye. Humalo rin sila sa mga taong namimili sa gilid ng Quiapo church.
Sa pagpapatuloy ni Coco, “Sobrang excited (sa nalalapit na ere) kasi matagal talaga namin itong hinintay at pinaghandaan.
“Masarap sa pakiramdam honestly, napaka-positive sa aming lahat an gaga naming gumising, ang gaan ng pakiramdam namin, relax, well-coordinated lahat.
“Naghiwa-hiwalay kaming lahat pero smooth ‘yung (shoot). nakakatuwa kasi ang ayos, wala mang prusisyon pero may misa at maayos lahat.
“Nakakatuwa ‘yung mga tao kasi nakipag-coordinate lahat, walang gulo, walang nasaktan. Kaya hayun, sobrang thankful kasi blessed kami sa first day ng Batang Quiapo,” aniya.
Say naman ni direk Malu, “We’re so blessed sa first shooting day.”
At pagkatapos ng kanilang shoot ay muling nanalangin ang Team “FPJBQ” sa maganda at maayos nilang shooting.
Sa Enero 30, 8 p.m. na ang airing ng drama-action-romantic comedy series ni Coco sa Kapamilya channel at ibang online platform kasama sina Lovi Poe at Charo Santos-Concio mula sa Dreamscape Entertainment at ABS-CBN Productions ididirek nina Malu Sevilla, Kevin de Vela at Coco.
Confirmed: Coco Martin, Lovi Poe magtatambal sa remake ng ‘Batang Quiapo’ nina FPJ at Maricel
Vhong napaiyak nang bigyan ni Willie ng P1-M bilang tulong matapos mabugbog at maospital
Mensahe ni Pangulong Bongbong sa mga deboto ng Itim na Nazareno: Faith can conquer looming storms
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.