Charo Santos muntik mapatalsik sa ABS-CBN dahil kay Dolphy, anyare!?

Dolphy at Charo Santos
MUNTIK na palang matanggal sa ABS-CBN noon si Charo Santos nang dahil sa pakikipaglaban para sa yumaong Comedy King na si Dolphy.
Ito ang rebelasyon ng dating presidente ng Kapamilya Network sa kanyang “story time” na mapapanood sa kanyang social media accounts.
Base sa in-ipload niyang video, nangyari raw ito noong dekada 90 nang kakauwi lang ni Mang Dolphy sa Pilipinas mula sa Amerika makalipas ang ilang taon.
Sinabi raw sa kanya ng King of Comedy na gusto na niyang makabalik sa telebisyon. Aminado si Charo na isa siyang certified Dolphy fan.
Nasubaybayan niya ang mga classic TV show ng yumaong Comedy King, tulad ng “Buhay Artista” at “John & Marsha.” Sa katunayan, naging leading lady din niya ni Pidol sa “My Juan En Only.”
Kuwento ni Charo, kinailangan niyang kumbinsihin ang mga boss niya sa ABS-CBN sa pagbabalik-TV ni Dolphy.
View this post on Instagram
“I went to my boss ‘Sir, ibalik natin si Mang Dolphy.’ ‘Ano ka ba, hindi ka ba nag-iisip? Tatlong taon nang wala ‘yan, nakalimutan na ‘yan ng tao.’ ‘Sir, hindi. As far as I’m concerned he is the King of Comedy.’
“Sabi ni Sir, ‘Malaking risk ‘yan, eh kung hindi mag-rate ‘yang programa ni Dolphy?’ ‘Sir, ‘pag hindi nag-rate ‘yang programa ni Dolphy, you can fire me.’ Parang natulala ako sabi ko, ‘Bakit ko ba sinabi ‘yon?’ Wala nang urungan ito,” pagbabalik-tanaw ni Charo.
Pagpapatuloy pa niya, “I got the best team and gathered the right casting combination. ‘Pag ‘yung boss ko raw hindi natawa in five minutes, umuwi na raw ako, mag-resign.
“Sa awa ng Diyos, in the first five minutes, nadinig namin ‘yung halakhak ng aming top boss. Umuwi na po ako dahil alam ko, may trabaho pa rin ako,” aniya pa.
Ang tinutukoy ng award-winning actress ay ang makasaysayang “Home Along Da Riles” na 17 taong naghari sa primetime simula nang una itong umbrella noong 1992.
Nakasama ni Dolphy sa naturang comedy series sina Nova Villa, Claudine Barretto, Smokey Manaloto at marami pang iba.
“And sa pilot episode pa lang po ng ‘Home Along Da Riles,’ it became the number one program on primetime in ABS-CBN and it remained number one for the next 17 years. Kayo ano ang memories niyo of ‘Home Along Da Riles?” saad pa ni Charo.
Ang tanong, matuloy kaya ang balitang muling mapapanood ang “Home Along Da Riles” ngayong 2025? Abangan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.