Matutina tumanggi nang magpa-ER dahil sa CKD: Nahihirapan na ko…
TUMANGGI nang dalhin sa emergency room ang veteran comedienne na si Matutina nang kausapin ng kanyang doktor hinggil sa kanyang karamdaman.
Pumanaw ang iconic actress na si Matutina o Evelyn Bontogon-Guerrero sa tunay na buhay noong mismong Araw ng mga Puso, February 14 sa edad na 78.
Ayon sa bunsong anak ng komedyana na si Shiela Guerrero, siyam na taon nang pasyente ang kanyang nanay dahil sa chronic kidney disease (CKD).
“Mama was a CKD patient, a chronic kidney dialysis patient for nine years. Meron na siyang heart condition, marami nang pinagdaanan si Mama. In and out siya sa hospital.
Baka Bet Mo: Matutina ng ‘John en Marsha’ pumanaw na sa edad 78
“Na-ICU pa siya 10 years ago. Lahat ‘yun na-survive niya. This one, ayaw na niya. Napagod na po siya,” ang pahayag ni Shiela sa panayam ng ABS-CBN.
Sey pa niya, humuhugot ng lakas ang kanyang nanay sa mga taong nagmamahal sa kanya, “Marami po kasing hindi nakakaalam na very matulungin po si Mama.
“Her priority is to make other people happy, family members, close friends. And because ‘yun ang kanyang priority, kailangan niyang lumaban,” chika pa ni Shiela.
Kuwento naman ng asawa ni Matutina na si Henry, 2016 nagsimula ang medication ng komedyana at halos siyam na taon ding sumailalim sa dialysis, ang huli nga ay noong February 12.
“Tapos na ‘yung dialysis niya then her doctor called me. Sabi niya, ‘Brod Henry, come to the hospital, I have to tell you something about your wife.’ Nagpunta ako doon and in-explain niya, mababa ang sugar, mababa ang BP (blood pressure), she needs to be brought to the ER (emergency room),” pag-alala ni Henry.
Patuloy pa nitong kuwento, “When she heard that, she woke up. ‘No’, sabi niya huwag. Ayaw ko, nahihirapan na ko. Then sabi ko, ‘What do you want?’ Sabi niya, ‘We will go home’. (Sabi ko) ‘Doc, she doesn’t want to go to the ER.’ The doctor said, ‘You can go but just in case, bring her back here.’ So we decided we bring her back home.”
Nagbahagi rin ang stepdaughter ni Matutina na si Rowena Gementiza ng kanyang kuwento tungkol sa pagpanaw ng iconic comedienne. Pauwi na raw siya sa Pilipinas mula sa Chicago, Illinois nang mabalitaan niyang pumanaw na ang kanyang ina.
“Pauwi na talaga ako nu’n. Nag-text siya sa akin, ‘yung last message niya sa akin sabi niya, ‘Owen, malapit na ang uwi mo ng Pilipinas. Ingat ka sa paglalakbay mo.’ ‘Yan ‘yung last message niya, one week bago mangyari ito.
“Tapos nu’ng nasa airport na ‘ko, doon nga nabalitaan ko na sa Facebook. Tapos ‘yun, wala na nga si Mommy,” ani Rowena. “Sabi ko, hindi man lang ako hinintay.
“She passed away Valentine’s Day, when everyone was celebrating. Si Mama naman, nag-stop na ‘yung heart niya,” saad pa niya.
Bukod sa iconic sitcom na “John En Marsha” na pinagbidahan ng yumaong Comedy King na si Dolphy at award-winning actress na si Nida Blanca, kung saan sumikat ang karakter niya bilang Matutina, nakagawa rin siya ng mga pelikula at jba pang acting projects.
Naging direktor din siya ng mga radio drama, kabilang na ang pagiging dubbing director para sa mga Tagalized version ng mga Asianovela ng ABS-CBN.
Sabi ni Shiela, “Actually siya rin ‘yung nag-train sa akin to be a voice talent. Cousins ko, mga pamangkin ni mama, tinirain niya and they’re directing na ngayon.”
“Masaya kaming lahat na maraming napasaya si Mama, especially noong ‘John En Marsha’ days. And that is her legacy, a life filled with love, kindness, laughter, and joy,” aniya pa.
Samantala, makikita sa ibabaw ng kabaong ni Matutina ang bandera ng Pilipinas na inilagay ng mga kaibigan at dati niyang kasamahan sa Barangay Council.
Nagsilbi ang komedyana bilang barangay council o kagawad mula 2007 hanggang 2010 sa Barangay Pag-Asa sa Quezon City.
Ang labi ng showbiz icon ay iki-cremate sa darating na Biyernes, February 21.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.