Bardagulang Coco Martin at Jake Cuenca sa Batang Quiapo pasabog!

Coco Martin at Jake Cuenca
NAIINTRIGA na ang netizens sa pangmalakasang salpukan nina Coco Martin at Jake Cuenca sa “FPJ’s Batang Quiapo” matapos humamig ng 4 million views sa loob ng 24 oras ang special plug tampok ang kanilang mga karakter.
Isa na namang makapigil-hiningang komprontasyon ang nagbabadya dahil mauuwi sa maaksyong engkwentro ang iligal na transaksyon kung saan magkasosyo sa negosyo sina Tanggol (Coco) at Cong. Miguelito (Jake).
Wala naman kamalay-malay ang huli na planadong pagkaisahan siya para makuha ang milyon-milyong halaga ng pera.
Sa kabila ng namumuong tensyon sa pagitan nina Tanggol at Miguelito, mukhang mas magiging komplikado pa pala ang kanilang relasyon.
Nabunyag na kasi ang masalimuot na nakaraan ni Tindeng (Charo Santos), ang lola ni Coco/Tanggol, sa kamay ng pamilya ni Jake/Miguelito dahil ang lolo pala nitong si Dante Rivero sa karakter na Don Gustavo Guerrero ang nang-abuso kay Tindeng noon kaya ito nabuntis kay Marites (Cherry Pie Picache).
View this post on Instagram
Matapos ang pasabog na rebelasyon na ito, sunod-sunod naman ang mga post ng netizens ng kani-kanilang mga hula kung bakit maaaring magkamag-anak ang ilan sa mga karakter.
Magiging magkasangga kaya o magkalaban sina Tanggol at Miguelito? Magkadugo nga ba sila o may mga lihim pa na mabubunyag tungkol sa kanilang nakaraan?
May nag-post pa nga ng family tree ni Tanggol na mayayaman ang pamilyang pinagmulan ang Guerrero at Montenegro.
Anyway, abangan ang mga susunod na senaryo sa “FPJ’s Batang Quiapo” mula sa orihinal na istorya ni Coco handog ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live.
* * *
Ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ay , nakapagrebyu ng mahigit 22,000 na materyal sa buwan ng Pebrero 2025 kabilang ang 22,460 na television programs, plugs at trailers.
Dagdag pa rito ang 121 publicity materials, 47 movie trailers, at 49 na pelikula: 20 lokal at 29 dayuhan. Ito’y hayagang pagpapakita ng dedikasyon ng Board upang matiyak ang angkop na klasipikasyon sa lahat ng mga materyal para maprotektahan ang mga manonood, partikular ang kabataan, laban sa mga mapanganib na palabas.
“Tayo sa MTRCB ay patuloy na sinisiguro na ang lahat ng materyal ay nabibigyan ng angkop na klasipikasyon batay sa umiiral na pamantayan,” sabi ni Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio.
Dagdag pa “Hinihikayat natin ang mga magulang na gamitin ang MTRCB ratings bilang gabay tungo sa responsableng panonood,” dagdag pa niya.
“Nananatili naman ang dedikasyon ng MTRCB na makipagtulungan sa industriya ng pelikula at telebisyon para sa mas ligtas at responsableng paglikha ng mga palabas,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.