#Undas2023: Mga tradisyon bilang pagpupugay sa mga yumaong mahal sa buhay
BUKOD sa pagbisita sa sementeryo, may iba’t-ibang paniniwala ang mga Pilipino tuwing panahon ng Undas.
Ginagawa nila ito taon-taon upang alalahanin, magbigay-pugay, at respeto sa mga pamilya at kaanak na sumakabilang-buhay na.
At bilang na-curious ang BANDERA, naitanong namin sa ilang mga ka-Bandera kung ano-ano nga ba ang mga tradisyong ginagawa nila tuwing sasapit ang Undas?
Kwento ni Siony Malicse, “Ang ginagawa namin ‘pag Undas, nagluluto kami ng suman, biko o kaya pansit.Tapos magsimba muna kami. Tapos pupunta kami sa sementeryo, mag-alay ng bulaklak at saka kandila tapos magdadala rin kami ng pagkain doon.”
Baka Bet Mo: #Undas2023: Mensahe ng mga ka-BANDERA para sa mga yumaong mahal nila sa buhay
“Kapag nasa bahay naman, niyayaya namin ‘yung mga kaibigan namin, mga kapitbahay namin, na magmeryenda sa bahay tapos lalagyan namin ng alay sa aming altar para sa aming namatay na kaluluwa (ng kamag-anak),” patuloy niya.
Sey naman ni Peter del Rosario, “Tradition na kaya kami pumupunta sa sementeryo para alalahanin ‘yung mga huling sandali na dapat hindi natin makalimutan, na lahat ay natatapos at bumabalik tayo sa alikabok dahil lahat ito ay galing sa Diyos.”
Ang ginagawa naman ng pamilya ni Dez Villavicencio, “Tuwing Undas, dati lagi kaming pumupunta rito sa sementeryo, malapit lang sa amin. So nagtitirik kami ng kandila pero for now dahil naging columbarium na siya, sa bahay na lang kami nagtitirik ng kandila.”
“‘Yung kandila na ‘yun ay bilang pag-alala sa mga yumao naming mga mahal sa buhay like ‘yung lolo ko, lola ko, tita ko, and recently ‘yung tatay ko. And then ‘yung mga kandila na ‘yun, parang siya ‘yung simbolo ng pag-alala at the same time parang pagbibigay na rin ng respeto. Sabi kasi nila, ‘yun ay guide sa kung saan man sila pupunta,” paliwanag pa niya.
Inalala naman ni Therry Wilson ang ilan sa mga nakagawian nila tuwing Undas, “I remember ‘nung mga bata pa kami, ang tradisyon namin tuwing Undas ay pumupunta kami sa puntod ng mga lolo’t lola namin at nagkikita-kita rin kaming pinsan. Then sabay-sabay kaming nagdarasal.”
“And after that parang reunion na rin, nagkakainan kami, may mga dala kaming pagkain. Pero ngayon since marami na sa amin ang nag-base na sa ibang lugar at ‘yung iba ay may kani-kaniya nang pamilya, hindi na nasusunod ‘yun,” sambit niya.
Aniya pa, “Pero ‘yung mga loved ones namin binibisita namin before ng Undas kasi sobrang trapik kaya anticipated na lang ‘yung aming pag-visit kasi ang importante naman is ‘yung prayers and nabisita mo sila.”
Para kay Vivian Lajom, “‘Yung tradisyon tuwing Undas na ginagawa ko ay ‘yung pag-o-offer ng mass sa aking mga mahal sa buhay, especially sa aking asawa at sa aking mga magulang.”
“Nagli-list down ako ng mga pangalan ng mga departed loved ones ko para mag-[alay] ng nine days Novenario para sa kanilang mga soul then sa simbahan. Then during that time, nagbibili ako ng flowers at saka ako mismo ang nag-a-arrange nun para dalhin namin sa mga puntod para ipakita na mahal ko pa rin sila,” saad pa niya.
Chika naman ng nakapanayam naming netizen, “Tuwing Undas, usually bago magpunta sa sementeryo upang magsama-sama ang pamilya, naglilinis muna kami kasi hindi pa uso ang memorials noon eh. Napakagandang pagsasama ng mga pamilya during Undas aside from Pasko meron ding Undas na napakasaya.”
“Naglalagay kami sa puntod ng pagkain, ‘yung malagkit na ‘yun [ay] sini-serve namin na naniniwala kami nung araw na bumabalik ang kaluluwa ‘pag nabawasan ‘yung pagkain dun ibig sabihin bumalik, kumain, nagugutom,” dagdag niya.
Mensahe pa niya, “Kaya ngayong Undas, sana magising tayo sa katotohanan na hindi porket wala na sila ay hindi na natin sila aalalahanin. Hindi man tayo makapunta, pwede tayong makapagpamisa sa simbahan at alalahanin sa ating kwentuhan ay totoong naroon sila kasama natin.”
Related Chika:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.