Daria Ramirez naubos ang milyones sa annulment, nanawagan kay Joey de Leon: 'Siguro naman nararamdaman mong kailangan ko ng tulong mo' | Bandera

Daria Ramirez naubos ang milyones sa annulment, nanawagan kay Joey de Leon: ‘Siguro naman nararamdaman mong kailangan ko ng tulong mo’

Reggee Bonoan |October 31,2023
facebook
share this

Daria Ramirez naubos ang milyones sa annulment, nanawagan kay Joey de Leon: ‘Siguro naman nararamdaman mong kailangan ko ng tulong mo’

Reggee Bonoan - October 31, 2023 - 06:03 PM

Daria Ramirez naubos ang milyones sa annulment, nanawagan kay Joey de Leon: 'Siguro naman nararamdaman mong kailangan ko ng tulong mo'

MAHIGIT dalawang dekada na kami sa aming propesyon pero ngayon lang namin nalaman na walang hawak na resibong legal nang hiwalay si Daria Ramirez sa asawang si Joey de Leon kaya hanggang ngayon ay gamit nito ang apelyido ng TV host.

Ito ang ipinagtapat ng mommy nina Keempee at Cheenee de Leon sa talent manager at content creator na si Ogie Diaz sa vlog nitong “Ogie Diaz Inspires” na in-upload kagabi sa YouTube.

Namulat kami sa showbiz na matagal nang hiwalay sina Joey at Daria at may dalawa nga silang anak at si Aileen Macapagal-de Leon naman ang kanyang ikalawang asawa dahil nabalitang ikinasal naman sila.

Pero ang hindi namin alam ay si Daria pala ang humiling na mapawalang-bisa na ang kasal nila ni Joey para maging legal na ang pagsasama nila ni Aileen lalo’t may tatlo na silang anak.

Tanong nga raw ng TV host-actor, “Yan ba ang gusto mo?”

“Sabi ko, common sense naman ang tagal n’yo nang nagli-live in, andito ako nakanganga, ano maghihintay ako?  Tanggap ko naman na, tanggapin na natin na ito na ang buhay natin,” sabi raw ni Daria kay Joey.

Baka Bet Mo: Francis M may huling habilin kay Joey De Leon, may kinalaman kaya sa paglantad ng mag-inang Gail Francesca, Abegail Rait?

Kuwento ni Daria na pinakaayaw ni Joey na inuunahan siya sa mga desisyon niya. Bukod dito kapag may mga argumento na ay umiiwas na ito at sasabihin lang na, “Okay na ‘yan.”

 

 

View this post on Instagram

 

A post shared by Bandera (@banderaphl)


Nag-file ng annulment si Daria, “Naubos ‘yung one million ko na ibinayad ko sa lawyer ko kung kani-kanino napunta ang pera ko, ang ending wala naman, defeated ako. Talo ‘yung kaso kong annulment.

“E, sabi annulled na raw ako, hindi ko alam paano ako na-annul, e, wala naman akong pinirmahang annulment papers (sa kasal nila ni Joey). Tinawanan ko na lang, although nag-isip din talaga ako na ‘wala naman akong pinirmahan, annulled na pala ako?’ Ay, ikinasal na (sina Joey at Aileen).

“Akala mo ba ako ‘yung babae na uupo sa isang tabi  tapos iiyak ako (sabay muwestra ng iniwanan). Nasa bahay ako nakita ko sa TV (news), okay bahala na po kayo sa akin Lord, ‘yan na lang ang nasabi ko.

“’Yung mga nag-aalala sa akin na akala hahabulin ko o nagseselos ako, hindi.  Alam naman ng mga anak ko ‘yan especially Cheenee kasi siya ‘yung spokeswoman, eh.

“Akala ng iba hahabulin ko, hindi ah, kasi kung hahabulin ko ang tatay nila dapat noon pa, why only now, para naman akong tanga niyan!” pagtatapat ng dating asawa ng Henyo Master.

At dahil hiwalay na ay natanong ni Ogie kung may ibinigay na alimony o suportang ipinag-utos ng korte na bayaran ng isang asawa sa isa pa matapos silang maghiwalay.

“Awan (Ilocano), nada (Spanish), finite (Italian), kaput (German), waley,” mabilis na sagot ng aktres.

Hirit ni Ogie, “Hindi ka nag-ask?”

“Even I (didn’t) ask, nasa batas ‘yun!
Ang dami namang hindi nasunod sa batas, eh. Para que pa? ‘Yun na sana ang ini-expect ko para kahit paano meron ako (panggastos), you know nu’ng pandemic lahat ng naipon ko tumilapon na lahat,” katwiran ni Daria.

Ang bunsong anak kay Joey na si Keempee raw ang nagbigay ng tulong pinansiyal sa loob ng tatlong buwan nu’ng 2022 at nagbigay din ng Disyembre.

“Si Keempee tinutulungan ako financially, para do’n sa mga taong nagkomento ng hindi maganda (ang ugali) sa anak ko, I’m telling you ako ang ina ako ang nagsasabi sa inyo tinulungan ako ng anak ko, tatlong buwan pinupuntahan niya ako sa bahay at pang-apat last December, 2022 pinasyalan niya ako sa tinitirhan ko, inaabutan niya ako.

“Alam ko ayaw ni Keempee ito na sinasabi ko, I’m sorry anak I have to tell them. Pag sinasabi ko (na tinulungan ako) sasabihin niya (Keempee), ‘my ‘wag na, ano ba!’ Ganyan si Keempee, eh, ngayon hindi ko puwedeng itago kasi gusto kong sirain ‘yung (image) nila kay Keem, hindi ganu’n ang anak ko, napakabait ng anak ko,” kuwento ng aktres.

Isa rin kami sa makakapagpatunay na mabait si Keempee dahil nakita rin namin siya from afar kung gaano siya kabait sa mga katrabaho niya at nakapa-marespetong tao at hindi nakalilimot sa lahat pati sa entertainment media na nakasama niya noong nagsisimula pa lang siya sa karera niya hanggang ngayon.

Inamin din naman ni Daria na noon ay may tampo siya sa mga anak niya, pero ngayon ay wala na dahil ramdam niya kung ano ang nararamdaman ng mga ito lalo’t naiipit sila sa dalawang bato.

“Naaawa ako kasi hindi nila ginusto ‘yung posisyon nila ngayon, actually nu’ng kabataan ko na nangyari, hindi ko alam na maaapektuhan ang mga anak ko. Tapos may mga kuwento-kuwento at naging history repeats itself.

“Si Cheenee nahiwalay (sa asawa), si Keempee binatang ama. Hindi naman na siya nag-asawa ngayon gustuhin man niya hindi siya sure kung magiging mabuting asawa kasi nakita nila ‘yung naging buhay namin ng tatay nila,” paliwanag ng mommy ng magkapatid.

Sa kasalukuyan ay walang lovelife o manliligaw at hindi na rin kailangan ni Daria ng katuwang sa buhay dahil sanay daw siyang mag-isa at ang tanging hinahanap niya ngayon ay trabaho.

“Hinahanap ko kung saan ako makakakuha ng pera! Totoo ako pa, hindi ako plastic na tao. Iniisip ko kung saan ako makakakuha ng pera.

“May mga tumutulong pero hindi naman puwedeng sabihing habambuhay kang tutulungan saka ayaw ko rin naman dahil nagmumukha naman akong imbalido niyan!  Hindi ako ‘yun, I know my capacity, I know what I can do,” pahayag ni Daria.

At bago magtapos ang panayam kay Daria ay nagtanong si Ogie kung may mensahe siya sa dating asawa.

“Don de Leon baka naman, siguro naman nararamdaman mo hindi mo lang pinapansin kailangan ko ng tulong mo, baka naman maalala mo ako hindi lang masabi ng mga anak natin dahil ayaw nilang gumitna alam mo ‘yun at mas lalong alam ko dahil nakakausap ko sila,” pagsusumamo ni Daria sa dating asawang si Joey.

Inamin ding araw-araw ay nag-iisip siya kung kanino siya lalapit para sa pambayad ng mga bayarin niya at sana mapansin siya ni Joey dahil naging bahagi rin naman siya sa buhay nito.

At ang isa pang kahilingan ni Daria, “Saka sana bigyan mo naman ako ng kopya ng annulment papers kasi kung ako pa ang lalakad ang laking gastos. E, ‘yung igagastos ko, e, di ibibili ko na lang ng pagkain ko.”

Ang rason pa kaya gusto nitong magkaroon ng kopya ng annulment ay para maipakitang annulled na siya at hindi na niya gamitin ang apelyidong de Leon.

Bukas ang BANDERA sa panig ni Ginoong Joey de Leon tungkol sa mga pahayag ng dating asawang si Daria Ramirez.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Related Chika:
Joey harap-harapang inaming nagtampo kay Toni nang umalis sa ‘Eat Bulaga’: Selfish lang kami noon, pero good for her

Joey de Leon tsinatsansingan noon si Lolit Solis; may dream project para sa lahat ng ‘Eat Bulaga’ Dabarkads

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending